[Paliwanag ng Tagapagsalin:
Ang tekstong ito ay nasa lumang Tagalog, na gumagamit ng titik g na may tilde sa ibabaw (g̃), na makikita halimbawa sa mga salitang ng̃, mg̃a, at ng̃ayón. Kung hindi maayos na nakikita ang titik g̃, tiyaking UTF-8 ang nakasaad na file encoding sa iyong text reader. Maaari ring kailangang palitan ang font na iyong gamit. Minumungkahi ang mga font na Consolas at DejaVu Sans Mono. Kung hindi sapat ang mga paglutas na ito, gamitin na lamang ang Latin-1 na bersyon ng e-text na ito.
Maraming pagkakaiba ang mga katawagang ginamit ng may-akda doon sa mga ginagamit sa kasalukuyan sa makabagong balarilang Filipino. Halimbawa ay ang “pangdiwà” ng may-akda ay tumutukoy sa noun sa Ingles, nguni’t sa makabagong balarila ang pandiwa ay verb sa Ingles.
Ang mga bahagi ng teksto na may mga pahilig na titik (italic) ay ipinaloob sa mga salungguhit. Ang mga bahaging may makakapal na titik (boldface) ay ipinaloob sa mga =simbolong panumbas=.]
BALARILANG TAGALOG
Balarilang Tagalog
SINULAT NI
MAMERTO PAGLINAWAN
_Katulong sa “Taliba” at sa iláng páhayagáng
litáw sa Maynilà._
UNANG PAGKÁLIMBÁG
MAYNILÀ.--S. P.
Limbagang Magiting ni Honorio López. Daáng Anloague, blg. 319.--Binundok
1910
Arìng tunay ng̃ Kumathâ.--Pag-úusigin ang magpalimbág ng̃ walâ siyáng pahintulot, at ipalálagáy na nakaw ang aklát na walâng tandâng lihim ng̃ nagpalimbág.
Ang aklát na itó’y ipinagbibilí sa madlâng Aklatan sa Maynilà. Nagbibilí rin ng̃ ting̃î at pakyawan sa bahay ng̃ Kumathâ, Santamesa, blg. 467, (looban 3) Sampalok, Maynilà, K. P.
SA KATAGALUGAN
Ikáw, masayáng bayan ng̃ mg̃a TAGA-ILOG, magandáng lahì ng̃ mg̃a BAYANI, bayan at lahìng sinilang̃an ng̃ mg̃a dakilàng Lakang-Dula at Balagtás, ng̃ magigitíng na Rizal at Bonifacio, bayan at lahìng may isáng wikàng sarili at katutubò, matamís at mayaman, wikàng pinakamámahál at sinásalitâ ng̃ ang̃awang̃aw na pilipino ó ng̃ isáng lahìng may sariling puri, dang̃ál at kabihasnán, ng̃ wikàng pinápang̃arap ko’t ináasahan na, siyáng magigíng WIKÀ NG̃ SANGKAPILIPINUHAN sa maligayang araw ng̃ Bukas; ikáw ng̃â, bayan ng̃ mg̃a Taga-Ilog at lahì ng̃ mg̃a Bayani, ang siyáng tang̃ìng pinagháhandugán nitóng muntî at abâng aklát na itó, nang paghahandóg na magiliw sa dibdíb, malugód sa pusò at taós sa kálulwá.
=Mamerto Paglinawan=
Sampalok, Maynilà, Disiembre, 1910.
PAUNAWÀ
Sapúl nang lumunsád siná Magallanes sa mg̃a kawiliwiling baybayin ng̃ lupàíng Sebú, ó dilì kayâ’y nang ituntóng ang kanyáng mg̃a paá sa Kapulùáng Pilipinas na sa kanyáng kariktán ay nagkápalad tulóy tawaging Mutyâ ng̃ Silang̃an, sapúl nang kanyáng mátuklás ang lupàíng itó, na may sariling kabihasnán, may sariling pamámahalà, may sariling pananámpalataya, wikà, ugalì, tugtugin, pananamít, atbp., at hanggáng sa mg̃a sandalîng itó na, ang bayang Amérika, ang bayang mábituwín at másalapî ay siyáng nagháhawak ng̃ ating buhay at kapalaran, ng̃ ating kálulwá at pag-íisip, ng̃ ating ginhawa at kalayàan, dito sa mg̃a dakilàng sandalîng itó na nagsusumikap tayo ng̃ buông lakás at kumikilos ng̃ buông siglá sa ikapagtátamó at ikapagwáwagí ng̃ ating BANÁL NA LAYON, hanggá ng̃ayón, máuulit ko, ay walâng nag-akalà ó nang̃ahás yumarì (ipagpatawad sa akin ang pagtátapát) ng̃ isáng wagás na Balarilàng Tagalog upáng mapagbatayán sa tumpák na pagsasalitâ at matuwíd na pagsulat sa mayamang wikà ni Balagtás.
Lumilipas ang mg̃a sandalî, dumaraán ang mg̃a araw, mg̃a araw at sandalîng hindî na magbábalík na, walâ tayong maáanag-ag sa kasaysayan ng̃ ating wikà liban sa malálabò madídilím na talatà. Hindî ko itinátakuwíl ang kasalukuyang pagsulong ng̃ wikàng sarili, hindî ko pinawáwalâng kabuluhán ang masigláng pagsusumikap ng̃ ating mg̃a mánunulát at mánanagalóg sa pagpápading̃ál at pagpapálaganap ng̃ ating kálulwá, bagkús pinakapúpuri ko at pakapúpurihin ang kaniláng mg̃a pagpápagál at pagpapakápuyat. Ng̃unì’t gunítâín nating sumandalî, ng̃ isáng paggúgunitâng mataós at malalim kung paano ang ng̃ayó’y nangyayari sa ating wikà. Náritó na tayo sa kapanáhunan ng̃ Siglo XX at hanggáng sa mg̃a sandalîng itó ay walâ pa tayong mg̃a sariling aklát na sukat pagkákilanlán ng̃ ating mayamang salitâ at matuwíd na pagsulat. ¡Kahì’t manawarìng sa hináharáp ay mag-ibayo tayo ng̃ siglá at huwág tumugot kailan man hanggáng hindî mápatampók sa dakilàng luklukan ang wikà ni Lakang-Dula!
Isá sa maháhalagáng súliranín na ng̃ayó’y karapatdapat pag-úkulan ng̃ ating pagkukurò ay ang náuukol sa súliranín ng̃ wikà. Itóng súliranín ng̃ wikà ay makabuluhán at dakilà, pagkâ’t siyáng diwà ó kálulwá ng̃ Bayan. Hindî káilâ sa atin na, ang may hawak ng̃ayón ng̃ Pámahalàán sa Pilipinas ay ang bayan ni Washington, at hindî rin náliling̃id na, ang kanyáng sinásalitâ’y ang wikà ni Shakspeare. Ang wikàng ginágamit ó pinag-áaralan sa Pilipinas gaya rin namán ng̃ ibáng bayang mahihinà ay ang wikà ng̃ sumásakóp at hindî ng̃ sinásakóp, gayóng ang matuwíd sana at siyáng dapat sundín ay gamitin at pag-áralan ang wikà ng̃ sinásakóp at hindî ng̃ sumásakóp. Dahilán dito, kung kayâ ang wikàng inglés ay siyáng sa ng̃ayó’y itinuturò sa mg̃a páaraláng bayan, sa mg̃a batàng siyáng sa kinábukasa’y mang̃agsisilalakí, at sanhî sa ganitóng pagtuturò at pagpapálaganap ay pinaglálaanán na tulóy ng̃ isáng nápakalakíng gugol. Alín mang Pámahalàán ay may sariling lakás sa kanyáng mg̃a akalà, at dahilán dito kung kayâ ang paglaganap sa isipáng pilipino ng̃ náturang salitâ ay hindî na dapat tawaran.
Ang ganitóng mg̃a pangyayari, mg̃a pangyayaring pará sa ati’y mahalagá, ay siyáng lagì nang pumúpukaw sa matahimik na pagpapáhing̃aláy ng̃ aking gunitâ, siyáng tuwî na’y lumilikhâ sa aking guníguní ng̃ mg̃a panukalà at mg̃a paraáng ikabúbuhay, ikadidilág at ikalálaganap ng̃ayón at kailan man ng̃ matamís at mayamang wikà ni Risál. Itó ang sa aki’y nag-udyók, itó ang nagpasulák sa malamíg na tubig ng̃ aking pusò at iyán ang pumukaw sa mapayapàng pagkakágulayláy ng̃ aking pag-íisip, at dahilán dito’y siyá ang aking kalasag sa pakikipágtunggalî, siyá ang aking baluti sa pang̃áng̃ahás ko ng̃ pagyarì nitóng BALARILANG TAGALOG na dapat panundán sa pagsulat at pagsasalitâ ng̃ sariling wikà.
Hindî lamang ang matuling paglaganap ng̃ wikàng inglés ang nagbunsód sa akin sa pagyarì ng̃ aklát na itó. Mayroón pa: ang pagkakáibáibáng ayos ng̃ panunulat na ng̃ayó’y ginagawâ ng̃ ating mg̃a mánunulát at mánanagalóg, pagkakáibáibáng ang isá’t isá’y nagkakálabáglabág at ang bawà’t isá’y may kaníkaniyáng tuntuning sinúsunód sa sarili na siyáng sanhî ng̃ malimit na kamalìán, ng̃unì’t kamalìáng hindî máipalagáy na ganitó dahil sa kasalatán ng̃ mg̃a pátakaráng dapat taluntunín. Sa pagnanasà ko ng̃âng maparam ang ganitóng mg̃a ulap na nakatátabing sa maningníng na liwanag ng̃ ating panunulat, ay pinaginutan ko ng̃âng sulatin ang aklát na itó na siyáng magigíng ilaw at tungkód sa pagtahak sa landasing madilím at madulás ng̃ ating pagsulat. Sa ganáng pagkukurò ko, ang isáng malakíng balakíd na nakapípinsalà sa pagkásulong at paglaganap ng̃ ating wikà ay ang kasalatán ng̃ isáng Balarilà ó Gramátikáng sukat alituntunín ng̃ mg̃a nang̃agsísisulat.
Ang pagkakásalung̃atan sa pagsulat ay nabábatay sa pagkakábukódbukód ng̃ mg̃a mánunulát at mánanagalóg. Sa kasalukuyan, ang mg̃a itó’y nabábahagi sa dalawáng malakíng pangkát: isá’y ang tinátawag na makalumà at pinamámagatáng makabago ang ikalawá. Ang mg̃a makalumà’y sumúsunód sa mg̃a tuntuning lumà ó dati ng̃ pagsulat na siyáng sa ganáng pagkukurò nilá ay tumpák; at ang mg̃a makabago’y sumúsunód namán sa mg̃a pátakaráng bagong likhâ ng̃ pag-íisip ó bagong paraán ng̃ pagsulat ng̃ ating wikà. Ang pagtutunggalìáng itó ay lubhâng mahigpít: isá’t isá’y may sariling ayos ó paraáng pinanánangnán sa pagyarì ng̃ gayóng hugis ó anyô at sa pagsunód sa gayó’t ganitóng pagsulat. Akó, palibhasà’y námulat sa mg̃a hulíng kapanáhunang itó, maibigín sa mg̃a bagong likhâín ng̃ pag-íisip at sapagkâ’t ináakalà kong tumpák ang mg̃a tuntuning sinúsunód ng̃ mg̃a makabago, kayâ’t ang nápita kong sundín ay ang mg̃a kaparaanáng nátuklás at sinúsunód ng̃ayón ng̃ ating maraming mánunulát at mánanagalóg sa likód ng̃ isáng mataós at mahabàng pagsusurì na aking ginawâ ukol sa bagay na itó.
Isá pa rin sa lalòng makákabuluháng bagay na sa aki’y umakit na sulatin ng̃â ang aklát na itó ay ang pagdami ng̃ mg̃a páhayagán, ang pagdagsâ ng̃ mg̃a nobela at ang pagsísimulâ sa paglabâs ng̃ mg̃a aklát na náuukol sa karunung̃an na, paraparang nasusulat sa Wikàng Tagalog. Ang lahát ng̃ itó ay naglálarawan ng̃ maníning̃as na sulô upáng tumangláw at magbigáy liwanag sa mg̃a gunitâng dahóp, sa mg̃a gunitâng hindî nakámasíd ng̃ maningníng na liwanag ng̃ karunung̃an dahil sa kákapusán ng̃ pisìng sukat makáabót sa matayog na luklukan ng̃ pag-áaral. Ng̃unì’t kinakailang̃an namán na, ang mg̃a páhayagáng iyán, mg̃a nobela at mg̃a aklát karunung̃an ay magkaisá sa matwíd na landasin ng̃ pagsulat, at upáng maganáp itó’y kailang̃ang másalig sa mg̃a tuntuning náilagdâ sa Balarilà ó Gramátiká upáng ang pagbábalità, pagsásalaysáy ó pagpapaliwanag ay mápawastô ó mápatumpák.
Sumandalîng pagbalikán sa ating mg̃a gunitâ yaóng tumutukoy sa mahalagá at mádakilàng súliranín ng̃ isáng wikà. Sa El Filibusterismo ni Rizal, itóng bantóg na aklát sa Europa ma’t Amérika ay nagsaád ng̃ isáng mahalagá at dakilàng aral, na: ANG WIKÀ AY SIYÁNG PAG-ÍISIP Ó KÁLULUWÁ NG̃ BAYAN. Dito’y mápipigâ natin ang isáng masaganà at makabuluháng katás, isáng masaráp at malinamnám na lasa na dapat sundín, pagyamanin at ipagtanggól. Tinutukoy ko ang Wikàng Tagalog, ang wikàng mahál sa ating mg̃a pusò, hiyás ng̃ ating lahì, sagisag ng̃ ating ugalì at larawan ng̃ ating kabihasnán, na, sang-ayon sa pantás na aral ng̃ ating Bayani ng̃ Kalayàan ay kinakailang̃ang mahalín, pagyamanin at ipagtanggól sa mg̃a nang̃ag-áakalàng uminís ng̃ kanyáng hining̃á, sa mg̃a nang̃agnánasàng sumugpô ng̃ kanyáng kasiglahán at sa mg̃a nang̃agnánais na pumatáy sa kanyáng dakilàng diwà at sa kanyáng maningníng na urì.
Atin ng̃âng mahalín, pagyamanin at ipagtanggól ang katutubòng wikà na ginamit niná Lakang-Dula, Pilapil, Balagtás, Rizal, Mabini, Plaridel, atbp. at ng̃ wikàng ng̃ayó’y ginágamit ng̃ buông Katagalugan magíng sa pag-ibig, sa pananámpalataya, sa pag-awit, sa pakikípanayám, sa pagpúpulong, sa pakikípaglarô, sa pagtulog, sa paglíliwalíw, at sa lahát na ng̃ mg̃a kilos ng̃ katawán, galáw ng̃ bisig, mithî ng̃ pusò, pang̃arap ng̃ diwà, adhikâ ng̃ damdamin, udyók ng̃ kalooban, tibók ng̃ dibdíb, likhâ ng̃ pag-íisip at ibá’t ibá pa, sukdáng ang magiliw na pagmámahál at masigláng pagtatanggól na itó ay pagkaramayan ng̃ maraming paghihirap, pagkagugulan ng̃ ating mg̃a bisig at pagkáhandugán ng̃ ating mg̃a buhay, huwág lamang makapanaíg ang mg̃a nang̃ag-áakalàng uminís ó pumatáy sa káluluwá at buhay ng̃ isáng wikàng ginágamit ng̃ ang̃awang̃aw na tao at ng̃ isáng lahìng may sariling dang̃ál at may sariling kabihasnán.
Bayàáng ang isáng wikà ng̃ bayan ay mápasailalim ng̃ isáng kapuwà wikà, bayàáng ang wikàng yaó’y malanság at magkadurogdurog, itakwíl sa gunitâ’t alaala, ay katumbás ng̃ pagpapabayà na yurakan ang kanyáng watawat, na sakmalín ang kanyáng buhay, na durugin ang kanyáng káluluwá, na lansagín ang kanyáng lahì. Walâ nang katotohanang gaya nitó, palibhasà ang wikà ay anino ng̃ ugalì ng̃ isáng bayan, larawan ng̃ kanyáng mg̃a kilos at hilig, sagisag ng̃ kanyáng angkán, banaág ng̃ kanyáng kabihasnán at bakás ng̃ isáng mataós na pag-ibig at pagmámahál sa bayang kinágisnán. Sino mang nagmámahál sa isáng wikà ay nagmámahál din sa kanyáng bayan at sa kanyáng lahì. Sino mang tumátakuwíl sa wikàng sarili ay tumátakuwíl din sa bayang kinágisnán at sa lahìng nagbibigáy ng̃ kanyáng dang̃ál at kabuhayan.
Iláng pagkukuròng maháhalagá ang akin namáng tutukuyin ng̃ayón ukol sa mg̃a wikà sa Pilipinas at ang káhalagaháng tagláy ng̃ Wikàng Tagalog. Tatlóng wikà lamang ang pinakámalaganap sa kasalukuyan: isá’y ang bisayà, na sinásalitâ sa dakong Timog ng̃ Kapulùán, tagalog ang ikalawá na sinásalitâ sa gitnâ at ibabâ ng̃ Lusóng at ilokano ang ikatló na sinásalitâ namán sa dakong Hilagà ng̃ Pilipinas. Kung isásalig sa dami ng̃ mg̃a táong gumágamit, ang wikàng bisayà’y siyáng pang̃ulo sa lahát, sang-ayon sa talâng nábasa ko. Ng̃unì, kung úurìin sa kagandahan ng̃ isá’t isá, sa katamisán, sa kayamanan, sa karamihan ng̃ mg̃a páhayagán, sa kasaganàan ng̃ mg̃a aklát at mg̃a dulâ, ang Wikàng Tagalog ay siyáng pang̃ulo at siyáng may mataás na urì sa lahát, lalòng lalò na kung isaságunitâ ang masisigláng kilos sa hulíng kapanáhunang itó na walâng tigil ng̃ pagpápalimbág ng̃ mg̃a aklát, ng̃ pagpápalabás ng̃ mg̃a páhayagán at ng̃ pagpápatanghál ng̃ mg̃a dulâ. Alinsunod sa mg̃a pangyayaring itó, ay labis ang aking pag-asa na, ang araw ay dárating na mátutupád ang aking pang̃arap na, ang wikà sa haharapín ng̃ Kapilipinuhan ay ang wikà ng̃ mg̃a Taga-Ilog, ang wikàng matamís ng̃ mg̃a Lakang-Dula, ng̃ mg̃a Balagtás, ng̃ mg̃a Risál, ng̃ mg̃a Mabini, atbp.
Bábanggitín ko rito ang mg̃a aklát na aking pinagsaligán sa pagnanasà kong makayarì ng̃ isáng Gramátikáng buô at wagás na wagás na tagalog. Sinanggunìán ko ang Diccionario ni San Lucar, pinag-aralan ko ang mg̃a Gramática Hispano-Tagala niná Fr. Minguella at Campomanes, sinurì ko ang maháhalagáng lathalà ni Rizal ukol sa bagong pagsulat ng̃ tagalog na nápalathalà sa La Solidaridad, nilitis ko ang makákabuluháng lathalà ni G. Eusebio Daluz, inisáisá ko ang maháhalagá ring lathalà ng̃ katotong Sofronio G. Calderón, at mataós kong sinurì at pinag-aralan ang ibá’t ibáng pagkukurò at sarìsarìng palagáy ng̃ mg̃a litáw na mánunulát at mánanagalóg, gayón ang mg̃a aklát sa sariling wikà na akdâ ng̃ ating magigitíng na kababayan. Bawà’t salitâ, bawà’t palagáy at bawà’t tuntuning sinipì ko ó hinaláw kayâ sa mg̃a náturang aklát at lathalà ay malabis kong pinasásalamatan sa bawà’t isá at sa lahát.
Ng̃ayó’y magsásalaysáy akó ng̃ iláng haláw na pagkukurò ukol sa aklát na itó. Itóng BALARILANG TAGALOG ay may apat na pang̃ulong bahagi: Pagbigkás (ó Prosodia); Pagkilala (ó Analogía); Paglalakip (ó Sintaxis) at Pagsulat (ó Ortografía). Hindî ko na íisáisahín ang bawà’t bahagi upáng ipaliwanag ang káhalagahán ng̃ isá’t isá, sapagkâ’t itó’y hindî nátutungkól sa akin kundî sa mg̃a babasa at mag-áaral. Tang̃ìng bábanggitín ko rito ay ang náuukol sa pagkakásalaysáy. Pinagpumilitan ko, hanggá’t maáarì, na ang bawà’t tuntunin ay máihanáy na maliwanag, ang mg̃a salitâ’y magíng wagás na tagalog at málagyán ng̃ mabábabaw at maháhalagáng halimbawà na angkóp na angkóp sa mg̃a panuto (ó regla) upáng mawatasang maigi ng̃ babasa at madalîng mátutuhan ng̃ bayan.
Pagkátapos máilahád ang mg̃a abâ kong pagkukurò, pagkátapos máisulit ang mg̃a tibók ng̃ aking sariling damdamin ay walâ akóng másasabi at máipagtatapát kundî akó’y tao. Sinabi ko ang ganitó, upáng ipakilala na ang tao’y nagkákamalî, at sapagkâ’t akó’y ganitó ay hindî malayòng magkámalî rin sa aking mg̃a ginawâ. Ináasahan ko, ng̃ayón pa, na akó’y magkaroón ng̃ mg̃a malî sa pagyarì ng̃ aklát na itó, gaya rin namán ng̃ pag-asang mábubulíd sa hukay ang isáng táong lumálakad sa poók na ganitó sa mg̃a gabíng kadilimán. Dahil sa paníniwalàng itó ay malugód kong tinátawagan ang mg̃a mánunulát at mánanagalóg at ang madlâng mahiligín sa sariling wikà na mangyaring pansinín ang aking mg̃a kamalìán na kaniláng mápupuná sa aklát na itó. Sino mang pumansín ng̃ aking mg̃a malî, sino man ang magpalagáy ó magmungkahì kayâ na ang gayó’t ganitóng tuntunin ay hindî tumpák, sino man ang magdagdág ng̃ anó mang palagáy ó anó mang paghahakà, kailan ma’t ang mg̃a itó’y náuukol sa ikawáwastô ng̃ mg̃a tuntunin at ikasúsulong ng̃ ating wikà ay malabis kong pasásalamatan, ng̃ isáng pasásalamat na taós sa pusò. Sa ganitóng kaparaaná’y naníniwalà akóng lílinis ó húhusay ang mg̃a pátakaráng sinúsunód sa ating pagsasalitâ at pagsulat, at sa haharapí’y magkakároón tayo ng̃ isáng wagás, buô at tumpák na Balarilàng Tagalog na siyáng haligi ng̃ ating pagsulat at ng̃ ating wikà.
Sa wakás ay tanggapín ninyó, mg̃a kababayang mahíhiligín sa Wikàng Tagalog, ang isáng muntîng aklát na itó na nilikhâ ng̃ pahát kong isip at ng̃ muntî kong lakás sa likód ng̃ masigláng pagsusumikap, ng̃ masaganàng pagál at maraming pagtitiyagâ sa sariling katawán, udyók lamang na magkaroón tayo ng̃ isáng aklát na mapagbábatayán sa ating pagsasalitâ at sa ating pagsulat. Ang pusò ko’y malúlunod sa katuwâan kung ang pagkakálabás ng̃ aklát na itó ay makátulong sa pagpápadilág at pagpapálaganap ng̃ ating wikà. Ang damdamin ko’y mabúbusóg sa galák kung ang aklát na itó’y pag-áralan natin, upáng máipakilala minsan pa ang ating wagás na pag-ibig at magiliw na pagmámahál sa sariling arì, sa sariling diwà at sa sariling káluluwá ng̃ ating iníibig na bayan. At káhulíhuliha’y isáng mataós na dalang̃in, dalang̃ing nagbuhat sa pusò, na, maano nawàng sa hináharáp ay magíng wikà ng̃ Sangkapilipinuhan ang wikàng matamís ng̃ mg̃a Taga-Ilog, ang wikàng mayaman ng̃ mg̃a Lakang-Dula, ng̃ mg̃a Balagtás, ng̃ mg̃a Risál, ng̃ mg̃a Mabini, at ibá pa!
=Mamerto Paglinawan.=
TUNTUNIN
KABANATA TUDLÍNG Paunawà 7 Simulâ 17
UNANG BAHAGI
Pagbigkás ó Prosodia
I.--Ang Pagbigkás at ang kaniyáng sakláw 19 II.--Abakadáng tagalog 20 III.--Pagbigkás ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) 21 IV.--Pagbigkás ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante) 23 V.--Tungkól sa mg̃a pantíg (ó sílaba) 26 VI.--Hinggíl sa mg̃a diptongo 27 VII.--Sa mg̃a pang̃ung̃usap ó salitâ 29 VIII.--Ukol sa diín (ó acento prosódico) 30 IX.--Tungkól sa paglilihim (ó sinalefa) 35 X.--Hinggíl sa mg̃a pang-anib (ó ligazón) 36
IKALAWÁNG BAHAGI
Pagkilala ó Analogía
I.--Ang Pagkilala at ang kaniyáng sakláw 39 II.--Salitâng Pang-akbáy (ó Artículo) 43 Pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao 44 Pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bagay 47 III.--Salitâng Pangdiwà (ó Sustantivo) 50 Ukol sa iláng bahagi ng̃ pangdiwà 53 Pangdiwàng pangwatas (ó verbal) 56 Pangdiwàng malimit (ó frecuentativo) 57 Pangdiwàng karamihan (ó colectivo) 58 IV.--Salitâng Pangturing (ó Adjetivo) 59 Ukol sa bilang na dalawá ó marami 63 Sa mg̃a salitâng pangtulad (ó comparativo) 65 Sa mg̃a salitâng pangtaás (ó superlativo) 68 Sa mg̃a salitâng panglakí (ó aumentativo) 69 Sa mg̃a salitâng pangliít (ó diminutivo) 70 Sa ibá pang bahagi ng̃ salitâng pangturing 71 V.--Salitâng Pangtayô (ó Pronombre) 72 Pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó personal) 73 Pangtayô sa pagtuturò (ó demostrativo) 79 Pangtayô sa pag-áarì (ó posesivo) 81 Pangtayô sa pagtatanóng (ó interrogativo) 83 Pangtayô sa pagbabalak (ó indeterminado) 85 Sa mg̃a anyông isinásama sa mg̃a pangtayô 85 VI.--Salitâng Pangwatas (ó Verbo) 86 Sa mg̃a pang̃ulong bahagi ng̃ mg̃a anyô 89 VII.--Ukol sa pagbabaybáy (ó conjugación) 93 Sa mg̃a ayos ng̃ pangwatas 93 Sa mg̃a panahón ng̃ pangwatas 94 Sa mg̃a bilang at sa mg̃a katawán 97 VIII.--Ang pangbalak na anyông “um” 98 Mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 99 Kágamitán ng̃ anyông “um” 103 IX.--Ang pangbalak na anyông “mag” 106 Mg̃a panuto sa pagbabaybáy 106 Kágamitán ng̃ anyông “mag” 108 X.--Ang pangtiyák na anyông “in” 113 Hugis ng̃ “in” at ang kanyáng mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 115 Kágamitán ng̃ anyông “in” 119 XI.--Ang pangtiyák na anyông “i” 124 Mg̃a pátakarán sa pagbabaybáy 124 Kágamitán ng̃ anyông “i” 127 XII.--Ang pangtiyák na anyông “an” 129 Mg̃a panuto sa pagbabaybáy 131 Kágamitán ng̃ anyông “an” 133 XIII.--Pangtiyák ng̃ anyông “um” 135 XIV.--Pangtiyák ng̃ anyông “mag” 137 XV.--Ang pangbalak na anyông “mang” 143 Mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 144 Pangtiyák ng̃ anyông “mang” 145 Kágamitán nitóng anyông “mang” 148 XVI.--Ang pangbalak na anyông “ma” 151 Mg̃a pátakarán sa pagbabaybáy 151 Pangtiyák ng̃ anyông “ma” 152 Kágamitán nitóng anyông “ma” 154 XVII.--Pagbabaybáy sa mg̃a anyông pangbalak 156 Huwaran ng̃ unang pagbabaybáy 157 Huwaran ng̃ ikalawáng pagbabaybáy 162 Huwaran ng̃ ikatlóng pagbabaybáy 164 Huwaran ng̃ ikapat na pagbabaybáy 166 XVIII.--Pagbabaybáy sa mg̃a anyông pangtiyák 168 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “um” 169 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “um” 171 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “um” 173 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “mag” 175 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “mag” 177 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “mag” 179 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “mang” 181 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “mang” 183 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “mang” 185 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “ma” 187 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “ma” 189 XIX.--Sa mg̃a pangtulong na anyô ng̃ pangwatas 191 XX.--Ukol sa anyông “maká” 193 Ang kanyáng pangtiyák 195 Kágamitán ng̃ náturang anyô 197 XXI.--Hinggíl sa anyông “magpa” 200 Ang kanyáng pangtiyák 201 Kágamitán ng̃ násabing anyô 203 XXII.--Tungkól sa anyông “pa” 206 Ang kanyáng pangtiyák 207 Kágamitán ng̃ anyông nábanggít 209 XXIII.--Ukol sa anyông “magpaka” 211 Ang kanyáng pangtiyák 212 Kágamitán ng̃ náturang anyô 215 XXIV.--Hinggíl sa anyông “makí” 217 Ang kanyáng pangtiyák 218 Kágamitán ng̃ násabing anyô 219 XXV.--Tungkól sa anyông “magká” 221 Ang kanyáng pangtiyák 222 Kágamitán ng̃ anyông nábanggít 223 XXVI.--Ukol sa anyông “magíng” 224 XXVII.--Hinggíl sa anyông “magsí” 227 XXVIII.--Tungkól sa anyông “magpatí” 229 XXIX.--Ukol sa anyông “manghí” 231 XXX.--Hinggíl sa anyông “magkáng” 234 XXXI.--Tungkól sa anyông “magsa” 236 XXXII.--Salitâng Pangbago (ó Adverbio) 238 Sa ibá’t ibáng bahagi ng̃ pangbago 240 XXXIII.--Salitâng Pang-ukol (ó Preposición) 242 XXXIV.--Salitâng Pangbigkís (ó Conjunción) 245 Pangbigkís sa pag-íisá 245 Pangbigkís sa paghihiwaláy 248 Pangbigkís sa pagsubalì 249 Ukol sa ibáng pangbigkís 250 XXXV.--Salitâng Pangdamdám (ó Interjección) 252 XXXVI.--Ukol sa Pagbabawas (ó Síncopa) 254 XXXVII.--Hinggíl sa Pangdulo (ó Desinencia) 256
IKATLÓNG BAHAGI
Paglalakip ó Sintaxis
I.--Ang Paglalakip at ang kaniyáng sakláw 258 II.--Ukol sa pagkakaayon (ó concordancia) 259 III.--Hinggíl sa paghaharì (ó régimen) 261 IV.--Tungkól sa pagbubuô (ó construcción) 266 V.--Ukol sa mg̃a kaisipán (ó oración) 269 VI.--Sa mg̃a kaisipáng dalisay (ó simple) 272 VII.--Sa mg̃a kaisipáng mayhalò (ó compuesta) 274 VIII.--Paglalakip na likhâ (ó Sintaxis figurada) 275 IX.--Mg̃a kamalìán ng̃ salitâ (ó vicios de dicción) 278
IKAAPAT NA BAHAGI
Pagsulat ó Ortografía
I.--Ang Pagsulat at ang kanyáng sakláw 282 II.--Hinggíl sa malalakíng titik 283 III.--Paggamit ng̃ iláng titik ayon sa kanyáng tunóg 285 Hinggíl sa E at I 285 Hinggíl sa O at U 286 Hinggíl sa B at P 288 Hinggíl sa K at G 289 Hinggíl sa D at T 291 Hinggíl sa I at Y 292 Hinggíl sa U at W 293 IV.--Tungkól sa kudlít (ó acento ortográfico) 294 V.--Mg̃a tuntunin sa pagkukudlít 295 VI.--Sa mg̃a pang̃ulong tandâ ng̃ pagsulat 301 Ang pangtigil (ó coma) 302 Ang tuldók at pangtigil (ó punto y coma) 303 Ang dalawáng tuldók (ó dos puntos) 305 Ang tuldók (ó punto final) 306 Ang pangsugpông tuldók (ó puntos suspensivos) 306 Ang pangtanóng (ó interrogación) 307 Ang pangtaká (ó admiración) 308 VII.--Sa mg̃a pangtulong na tandâ ng̃ pagsulat 309 VIII.--Ang panghatì at ang paraán ng̃ pagkakabahábahagi ng̃ mg̃a pantíg 311 IX.--Ukol sa pagsulat ng̃ iláng salitâ 313 X.--Tungkól sa mg̃a salitâng hirám 317 XI.--Kung paano ang pagpapalít sa Wikàng Tagalog ng̃ mg̃a titik na walâ sa kanyá 319 Ukol sa c 320 Hinggíl sa ch 320 Tungkól sa f 320 Ukol sa j 321 Hinggíl sa ll 321 Tungkól sa ñ 321 Ukol sa q 321 Hinggíl sa rr 321 Tungkól sa v 322 Ukol sa x 322 Hinggíl sa z 322 XII.--Mg̃a salitâng daglî na malimit gamitin sa Wikàng Tagalog 322
Balarilang Tagalog.
Simulâ.
GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na wikà ó salitâ?
NAG-AARAL. Tinátawag na wikà ó salitâ, ang kabuùan ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap at ang mg̃a paraán ng̃ pagsasalitâ sa bawà’t bayan ó bansá.
G. Kung gayón, ¿anó ang tinátawag na Wikàng Tagalog?
N. Tinátawag na Wikàng Tagalog[1] ang wikàng ginágamit ng̃ Katagalugan ó kayâ’y ng̃ mg̃a táong tubò sa gitnâ at ibabâ ng̃ Lusóng[2].
G. ¿Anó ang Balarilà (ó Gramática) ng̃ isáng wikà?
N. Balarilà (ó Gramática) ng̃ isáng wikà ay ang katípunan ng̃ mg̃a panuto (ó arte) hinggíl sa mahusay niyáng pagsasalitâ at ng̃ tumpák na pagsulat.
G. Kung gayón, ¿anó ang Balarilàng Tagalog?
N. Balarilàng Tagalog ay ang tumpák na pagsasalitâ at tugmâng pagsulat sa wikàng tagalog.
G. ¿Sa ilán nabábahagi ang Balarilà?
N. Sa apat: Pagkilala (ó Analogía), Paglalakip (ó Sintaxis), Pagbigkás (ó Prosodia) at Pagsulat (ó Ortografía).
G. ¿Anó ang tinátawag na Pagkilala (ó Analogía)?
N. Ang panig ng̃ Balarilà na nagtuturò at nagpapakilala ng̃ káhalagahán at tungkulin ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap.
G. ¿Anó ang Paglalakip (ó Sintaxis)?
N. Ang bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ mg̃a kaparaanán ukol sa pagbubuô ó paglalakiplakip ng̃ mg̃a salitâ.
G. ¿Anó namán ang Pagbigkás (ó Prosodia)?
N. Ang panig ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ mg̃a paraán hinggíl sa tuwíd na pagbigkás.
G. ¿At ang Pagsulat (ó Ortografía)?
N. Ang bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ angkóp na paggamit sa mg̃a titik at ibá pang mg̃a tandâ na gamit sa pagsulat.
TALABABÂAN
[1] Hindî ko pa máitawag sa matamís at mayamang wikà natin ang pamagát na WIKÀNG PILIPINO na siyá ko sanang nais, sapagkâ’t kung tunay mang ang wikàng itó ni Balagtás ay siyáng kinagigiliwan ng̃ maraming pilipino, malaganap at may mataás na urì kay sa ibá, ay tunay rin namáng hanggá ng̃ayón ay lubhâng marami pa rin ang dî gumágamit sa kanyá, lalòng lalò na ng̃ mg̃a tagá Bisayà, Iloko, Mindanáw, Kapangpang̃an, Panggasinán, at ibá pa. At sakâ na natin iangkóp ang náturang pamagát, sakalìng ang pinapanukalang paglalakiplakip ng̃ ibá’t ibáng wikà na ng̃ayó’y ginágamit sa Pilipinas ay maganáp sa ibáng araw.
[2] Ang mg̃a bayang nagsasalitâ ng̃ wagás na Wikàng Tagalog ay Bagong Esiha, Bulakán, Risál, Bataan, Maynilà, Kabite, Laguna, Tayabas, Batang̃an at Mindoro. May mang̃ilánng̃ilán ding nang̃ung̃usap sa bayang Sambales, Tarlák, at ibá pang kanugnóg nitóng Lusóng.
UNANG BAHAGI
Pagbigkás ó Prosodia[3]
I KABANATA
Ang Pagbigkás at ang kaniyáng sakláw
GURÒ. ¿Anó ang kátuturán ng̃ Pagbigkás (ó Prosodia)?
NAG-AARAL. Ang Pagbigkás ay isáng bahagi ng̃ Balarilà na nagtatatág ng̃ mg̃a panuto sa ikatutuwíd ng̃ pagbibigkás (ó pronunciación) at pagdidiín (ó acentuación) ng̃ mg̃a titik (ó letra), pantíg (ó sílaba), pang̃ung̃usap at kaisipán.
G. ¿Anó ang tinátawag na tinig (ó voz)?
N. Tinátawag na tinig ang tunóg na nilílikhâ ng̃ hang̃ing itinapon ng̃ bagà pagkálabás sa gulunggulung̃án.
G. ¿Anó ang pinamámagatáng titik?
N. Ang muntîng bahagi ng̃ tinig pag binigkás ang isáng tunóg na maiklî at malinaw.
TALABABÂAN
[3] Minárapat kong iuná ang bahaging itó ng̃ BALARILA, sapagkâ’t lubhâng kailang̃ang mabatíd muna natin ang náuukol sa Abakadá, bago tayo tumung̃o sa pagkilala ng̃ halagá at tungkulin ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, sa paglalakiplakip nitó, at pagkátapos ang nahihinggíl namán sa tumpák na pagsulat.
II KABANATA
Abakadáng tagalog[4]
GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na abakadáng tagalog?
NAG-AARAL. Tinátawag na abakadáng tagalog ang kabuùan ng̃ mg̃a titik na ginágamit sa sariling wikà.
G. ¿Iláng titik mayroón ang ating abakadá?
N. May dalawangpû lamang lahát, at itóng mg̃a sumúsunód:
a, b, k, d, e, g, g̃, h, i, l,
m, n, o, p, r, s, t, u, w, y.
G. ¿Paano kung bigkasín ang bawà’t isá?
N. Ang pagbigkás ng̃ bawà’t isá ay ganitó:
a, ba, ka, da, e, ga, ng̃a, ha, i, la,
ma, na, o, pa, ra, sa, ta, u, wa, ya.
G. Ang mg̃a titik, ¿sa anó nabábahagi?
N. Nabábahagi ang mg̃a titik sa tinátawag na ting̃ig (ó vocal) at pangtinig (ó consonante).
G. ¿Anó ang tinátawag na ting̃ig (ó vocal)?
N. Tinátawag na ting̃ig (ó vocal) ang titik na maáarìng bigkasín sa kaniyáng sarili lamang at bumubuô ng̃ isáng pantíg (ó sílaba).
G. ¿May ilán ang ting̃ig sa tagalog?
N. Limá: a, e, i, o, u.
G. ¿Anó namán ang tinátawag na pangtinig?
N. Tinátawag namáng pangtinig ang titik na dî máibibigkás sa kanyáng sarili, at itó’y nang̃áng̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ isáng ting̃ig (ó vocal).
G. ¿May ilán namán ang pangtinig sa ating wikà?
N. Labinglimá: b, k, d, g, g̃, h, l, m, n, p, r, s, t, w, y.
TALABABÂAN
[4] Pinamagatáng abakadá sa tagalog ang tinátawag na alfabeto ó abecedario sa kastilà, sang-ayon sa kapasiyahán ng̃ “Samahán ng̃ mg̃a Mánanagalóg,” sapagkâ’t ang pinanggaling̃an at pinagbatayán ng̃ tinurang salitâ ay ang apat na pang̃unang titik sa tagalog na a, b, k, d, na kung bibigkasín ay a, ba, ka, dá.
III KABANATA
Pagbigkás ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal)
GURÒ. ¿Paano ang pagbigkás ng̃ a sa wikàng tagalog?
NAG-AARAL. Ang pagbigkás ng̃ a sa ating wikà ay kawangkîng kawangkî ng̃ pagbigkás sa wikàng kastilà, liban lamang kung nagtatagláy ng̃ mg̃a kudlít na mariín (ó agudo) at banayad (ó grave), palibhasà ang tunóg ng̃ mg̃a kudlít na itó’y lubhâng kaibá sa tunóg ng̃ kudlít ng̃ salitâng kastilà.
G. ¿Paano namán ang pagbigkás sa e?
N. Ang pagbigkás sa e ay katulad din ng̃ sa kastilà, liban kung may tagláy na kudlít paris nang sinabi sa a.
G. Ang i, ¿paano namán ang pagbigkás?
N. Ang i, sa una at kalagitnâan ng̃ pang̃ung̃usap ay walâng iniwan sa kastilà. Kung nasa sa hulíng pantíg (ó sílaba) ang tunóg ay bumubukás ng̃ kauntî, at may bahagyâng pagkakahawig sa mg̃a salitâng inglés na sorry, carry, atbp., na ang tinurang tunóg ay isáng pagduduób ng̃ e at i.[5]
Halimbawà ang salitâng lalaki: ang i dito ay dî ganitó binibigkás, kundî ie ó ang pagduduób ng̃ mg̃a tunóg ng̃ i at e.
G. ¿Paano ang pagbigkás sa o?
N. Sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap ay paris din sa kastilà ng̃unì’t sa katapusán ang kanyáng tunóg ay nagigíng katumbás ng̃ ou.
G. At ang u, ¿paano kung bigkasín?
N. Ang pagbigkás sa u ay katulad din ng̃ sa kastilà kailan ma’t na sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap.
G. ¿Ang o at u ay magkawang̃ís bagá?
N. Hindî pò, sapagkâ’t ang isá’t isá ay may sariling tunóg at may sariling kágamitán.
G. Kung may sariling tunóg ang bawà’t isá, ¿bakit ang o ay nagigíng katumbás ng̃ ou sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap?
N. Ang bagay na iyá’y isáng pagduduób ng̃ o at u, pagbigkás ó tunóg na katutubò sa mg̃a dilàng tagalog na siyáng sanhî ng̃ ipinaghihirap sa pagbigkás ng̃ mg̃a europeo.
Halimbawà ang salitâng utos: ang o dito ay dî ganyán dapat bigkasín paris bagá ng̃ pagkakásulat kundî ang paglalakip ng̃ tunóg na o at u ay siyáng nárarapat gawín.
G. Sa ganitóng pag-áalang̃aning pagbigkás na nangyayari magíng sa e at i at magíng sa o at u sa katapusán ng̃ salitâ, ¿ay paano ang tumpák na pagsulat na dapat sundín?
N. Ang pag-áalang̃ang pagsulat na ibinubung̃a ng̃ ganyáng pagduduób, gaya ng̃ lalaki ó lalake, utos ó utus, atbp., ay maliliwanagan sa bahagi ng̃ Pagsulat (ó Ortografía).
TALABABÂAN
[5] Sa matandâng kasulatan natin ay tatlóng ting̃ig (ó vocal) lamang ang kinikilala: isá’y ang a, ikalawá’y ang e-i at ikatló’y ang o-u.
IV KABANATA
Pagbigkás ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante)
GURÒ. ¿Anóng tunóg mayroón ang mg̃a pangtinig na b, l, m, n, p, s, t at y?
NAG-AARAL. Ang tunóg ng̃ madlâng titik na itó ay kaparis din ng̃ sa kastilà, kailan ma’t may kasakasamang ting̃ig (ó vocal).
G. ¿Anó ang tunóg ng̃ k?
N. Ang tunóg ng̃ k ay katumbás ng̃ ca, co, cu, at qua, que, qui, quo, quu sa kastilà, hal.: cuadro, caballo, querubín, atbp., ay nagigíng kuadro, kabayo, kerubín.
G. ¿Anó ang kabutihang idinudulot ng̃ k sa tagalog?
N. Marami pò: unang una ay nagigíng madalî ang pag-áaral at pagtuturò, at ikalawá’y siyáng angkóp na angkóp sa mg̃a pang̃ung̃usap natin.
G. ¿Anóng tunóg mayroón ang d?
N. Ang tunóg ng̃ d ay kawang̃ís sa kastilà kailan ma’t na sa una at hulihán ng̃ salitâ; ng̃unì’t nagigíng r kailan ma’t pinagigitnâan ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) at ang sinusundán niyá ay dî katapusán ng̃ pang̃ung̃usap. Halimbawà: mARAmi, mARIlág, kARAmdaman, mabutI RIto, masam RIyan, atbp. Dátapwâ’t kung sinusundán ng̃ pangtinig (ó consonante), ó dî kayâ’y pinakasimulâ ng̃ salitâ ay dî na dapat baguhin ó paltán. Halimbawà: buhaT Dito; sulonG Diyán; dumito ka katotO, Diyán ay mápapahamak ka. Dapat ding mabatíd na dî sa tuwîtuwî na’y dapat baguhin, hal.: madalî at dî maralî; madilím at dî marilím; madilat at dî marilat, atbp. At dapat ding matantô na, kapág ang mg̃a pangtinig (ó consonante) na w at y ang siyáng sinusundán ay nárarapat ding baguhin; hal.: buháY Rin siyá, sumigaW Rito, atbp.
G. Ang g ¿paano namán ang tunóg?
N. Ang g sa wikàng tagalog ay malumanay kung bigkasín, dî gaya sa kastilàng malakás. Nakákatumbás niyá ang gua, gue, gui sa kastilà, bagamá’t walâng u sa gitnâ; hal.: gintô, gising, pigíng, lagì, atbp.
G. ¿Anó namán ang tunóg ng̃ g̃?
N. Ang tunóg nitó ay nagbubuhat sa ilóng at tumutulóy sa lálamunan. Ang lalòng magaling at angkóp na pagbigkás ay anyông pahumál.
G. ¿Anó ang káhalagaháng dapat idulot ng̃ g̃ sa ating wikà?
N. Ang g̃ na katumbás ng̃ ng̃ ay nápakamahalagá, pagkâ’t bukód sa siyáng tang̃ìng titik na makasusunód sa ating mahirap at magandáng pagbigkás na, ang tunóg ng̃â’y sa ilóng at lálamunan (nasal-gutural) at siyáng ikaiibá sa ibáng wikà, ay siyá pang madalî, malinaw at tugmâng tugmâ sa pahumál na pagbigkás, na lubhâng marami sa wikà natin[6].
G. ¿Paano kung bigkasín ang h?
N. Ang h sa tagalog ay may hang̃in kung bigkasín, at itó’y hindî náwawang̃ís sa h ng̃ kastilà: mana pa’y nálalapit ng̃ bahagyâ sa j bagamá’t marahan dito; hal.: halík, hawíg, luhà, buhò, at ibá pa.
G. Ang r, ¿paano kung bigkasín?
N. Ang pagbigkás sa r ay malumanay. Dapat matantô na ang titik na itó’y mahirap makita sa simulâ ng̃ salitâ, bagamá’t may mang̃ilánng̃ilán din, paris ng̃ rahuyo, rahá, atbp. Sa hulí ó katapusán ay lalò ng̃ walâ, bagamá’t noóng dakong una ay palasák na palasák ang paggamit, at sa lugál niyá’y d ang náhalili.[7] Sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap ay malimit gamitin kailan ma’t napapagitnâan ng̃ dalawáng ting̃ig (ó vocal).
G. ¿Anó namán ang tunóg ng̃ w?
N. Ang w ay isáng bago at mahalagáng titik na náparagdág sa tagalog. Lubhâng nápabuti at nápatumpák ang maraming salitâ dahilán sa kanyá. Sa dating bigkás na kalabao, arao, sing̃ao, ilao, atbp., ay nagíng kalabáw, araw, sing̃áw, ilaw, na siyáng tumpák na tumpák. Siyá rin ang nagíng kahalili ng̃ ting̃ig u, hal.: wikà, walâ, káluluwá, tuwâ, atbp., sa dating uica, uala, kaloloua, toua.[8]
TALABABÂAN
[6] Ang palagáy ni G. Mariano Ponce sa aklát na Guillermo Tell ni Rizal hinggíl sa pag-áalís ng̃ kudlít sa g̃ at isulat ng̃ ng na walâng kudlít sa itaás, pag-áalís na nagkakahulugán ng̃ pagpawì sa titik na g̃ ay dinaramdám kong dî sang-ayunan gaya rin namán ng̃ dî pagsang-ayon ng̃ maraming mánunulát at mánanagalóg. Ang násabing ginoó ay nagbitíw ng̃ mararami at maháhalagáng katwirang pinagbábatayán niyá, na ang isá’y násasalig sa ibá’t ibáng wikà at ang ikalawá’y ang kapansanang mangyayari sa g̃ sakalìng magpalimbág sa ibáng lupà ng̃ mg̃a kasaysayang tagalog. Akó man sana ay talagáng sang-ayon na rito, dang̃a’t dî maamin niyaring kalooban ang pagtatapon sa titik na bugtóng at katutubò na siyáng pinakadiwà ng̃ ating wikà at siyáng katang̃ìán sa ibá. Bukód sa rito, ang g̃ ay siyáng angkóp na angkóp sa pagbigkás at tunóg ng̃ ating mg̃a pang̃ung̃usap. At kung ang titik na iyá’y ating papawiin at papaltán ng̃ ibá, marahil ang mg̃a salitâ natin ay magigíng garíl kung bigkasín. At tang̃ì pa rin dito, yamang isinaád ni Risál na: “ang sulat tagalog ay dapat magíng sulat tagalog,” kung gayón, upáng matupád ang dakilàng salitâng itó ng̃ magiting na bayani ay dapat gamitin natin ang g̃ na siyáng katutubò at siyáng diwà ng̃ wikà ni Balagtás.
[7] Noón ng̃âng araw ay malimit gamitin ang r sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap, at ang madalás gumamit nitó’y ang mg̃a parì sa kaniláng pang̃ang̃aral at sa kaniláng mg̃a kasulatan at dásalan, paris sa halimbawà ng̃ capatír, bacor, lubir, atb., sa lugál na sabihing kapatíd, bakod, lubid. Sa iláng bayan ng̃ Batang̃an ay gayón din ang pagbigkás, at kung dî akó malî ay hindî nagbabago hanggá ng̃ayón.
[8] Noóng mg̃a panahóng lumipas, palibhasà ang w ay dî pa nátutuklás na gamitin sa ating wikà, kung kayâ ang ginágamit sa lugál niyá (paris ng̃ sinabi ko) ay ang ting̃ig u gaya sa mg̃a salitâng uica, uala, atbp. At sanhî sa kadahilanang itó kung kayâ sa Ensayo de Gramática Hispano-Tagala ni Fr. Minguella ay ipinalagay tulóy na ang ua at ui ay diptongo, pagpapalagáy na walâng katotohanan sapagkâ’t walâ nitó sa mg̃a salitâng wagás na tagalog.
V KABANATA
Tungkól sa mg̃a pantíg (ó sílaba)
GURÒ. ¿Anó ang kátuturán ng̃ pantíg (ó sílaba)?
NAG-AARAL. Pantíg sa ting̃ig ng̃ Pagbigkás, ang tunóg ng̃ isá ó iláng titik na ibinibigkás na biglâ ng̃ tinig, (ó voz) at ang pakinig namá’y warìng tinatanggáp ng̃ minsanan.
G. ¿Maáarì bagáng magkaroón ng̃ pantíg kung walâng ting̃ig isá man?
N. Hindî pò: magkakároón ng̃ pantíg kailan ma’t may isáng ting̃ig (ó vocal) na kasama.
G. ¿Iláng titik maáarìng magtagláy ó bumuô ng̃ isáng pantíg?
N. Ang isáng pantíg ay maáarìng magtagláy ng̃ isá, dalawá, tatló ó apat na titik, hal.: ó, sa, din, kung.
G. ¿Anó ang tuntuning pangkahalatán (ó regla general) ukol sa pagbigkás ng̃ mg̃a pantíg sa mg̃a salitâng wagás na tagalog?
N. Ang tuntuning pangkalahatáng sinúsunód natin ay itó: “ang isáng pangtinig (ó consonante) ay hindî dapat mádikít sa kapwà pangtinig: kailang̃ang ang isá’t isá ay bigkasíng malinaw at magkahiwaláy”. Halimbawà: hindî dapat bigkasíng tu-dlíng, ku-dlít, ta-gláy, a-klát, ba-klád atbp., na ang dalawáng pangtinig (ó consonante) ay magkasiping ó magkadikít sa isáng pantíg, kundî ang nárarapat ay tud-líng, kud-lít, tag-láy, ak-lát, bak-lád.
VI KABANATA
Hinggíl sa mg̃a diptongo
GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na diptongo?
NAG-AARAL. Tinátawag na diptongo, ang isáng pantíg (ó sílaba) na kinaroroonán ng̃ dalawáng ting̃ig (ó vocal) na magkasiping at ibinibigkás lamang ng̃ íisá.
G. ¿May diptongo bagá sa ating wikà?
N. Sa mg̃a salitâng wagás na tagalog ay walâ isá mang diptongo, kahì’t na magkasiping ang dalawáng ting̃ig (ó vocal); hal.: nais, pain, kain, tao, atbp.
G. Sa pag-ilag sa diptongo, ¿anó tulóy ang nákaugaliáng gawín sa mg̃a salitâng ang dalawáng ting̃ig ay magkasiping?
N. Nákaugalián na tulóy sing̃itan ng̃ y ó w sa mg̃a salitâng warìng may diptongo; hal.: buwán (buan), tuwâ (tuâ), biyák (biák), tiyáp (tiáp), atbp. na paraparang binibilang sa tigalawáng pantíg.
G. ¿Marapat ba tayong tumanggáp ng̃ diptongo?
N. Oo pò, nárarapat; at ang pagtanggáp na itó’y tang̃ìng manggagaling sa mg̃a salitâng hirám na may diptongo.
G. ¿Anó ang mápapalâng kabutihan sa ganitóng pagtanggáp?
N. Sa bagay na itó’y maiilagan ang pagkakáyuwis (ó confusión) sa pagkakásiping ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) ng̃ mg̃a salitâ, paris ng̃ nais, pain, atbp., at sa pagduduób ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) ng̃ mg̃a anyô (ó partícula), gaya ng̃ Iulat, MAinggitin, MAGSIambâ.
G. ¿Iláng diptongo lamang ang dapat tanggapín?
N. Pitó: ia, ie, io, iu, ua, ue at ui.
G. Tungkól sa ganitóng pagtanggáp, ¿may panuto rin bang dapat itatág?
N. Mayroón pò: ng̃unì’t dapat alamíng ang panutong itó’y isá lamang pásubalì (ó excepción) at hindî pangkalahatán (ó en general).
G. ¿Paano ang panutong dapat sundín?
N. Ganitó: “Ang mg̃a diptongong tagalog ay nanggagaling sa mg̃a salitâng hirám sa ibáng wikà na ináarì natin at nagpapásimulâ sa mahihinàng ting̃ig (ó vocales débiles), at ang mg̃a diptongong itó ay pitó: ia, ie, io, iu, ua, ue at ui.” Halimbawà: Prosodia, Nobiembre, silabario, siudád, kuaderno, kueba, huebes, hesuita, at ibá pa[9].
G. ¿Paano ang gagawín sa mg̃a salitâng hirám na nagdudulo ng̃ ía at ng̃ ibá pang magkakabít ang dalawáng ting̃ig na hindî namán diptongo?
N. Kung ating isusulat ang mg̃a salitâng gangganitó ay dî nárarapat baguhin, at dapat matantô na sa atin ma’y hindî rin diptongo, hal.: María, Heograpía, Ortograpía, atbp.
G. ¿Paano ang pagkakasunódsunód sa pagbigkás ng̃ limáng ting̃ig (ó vocal), sang-ayon sa kanyáng baitang na sinúsunód?
N. Ganitó: a, e, i, o, u.
G. ¿Paano namán ang pagkakaayawayaw na sinúsunód hinggíl sa tunóg at lakás ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal)?
N. Ganitó: a, o, e, i, u.
G. ¿Alín sa kanilá ang tinátawag na malalakás na ting̃ig (ó vocales fuertes)?
N. Ang tatlóng náuuná ó kayâ’y ang a, o at e.
G. ¿Alín namán ang mahihinàng ting̃ig (ó vocales débiles)?
N. Ang dalawáng náhuhulí ó kayâ’y ang i at u.
TALABABÂAN
[9] Ang panutong itó’y sinipì ko sa matalinong kasapì sa “Samahán ng̃ mg̃a Mánanagalóg” na si G. Eusebio Daluz, na siyáng kasang-ayon ko sa palagáy ukol sa pagtanggáp ng̃ diptongo sa Wikàng Tagalog na nagbubuhat sa mg̃a salitâng hirám.
Sa ganitóng pangyayari ay mápapawì namáng dî sásala ang ginagawâng pagsising̃it ng̃ y sa mg̃a pang̃ung̃usap na hirám, paris sa halimbawà ng̃ Diyós, Munisipiyo, Huliyo, atbp. ay dapat gawíng ganitó: Dios, Munisipio, Hulio. Gayón din ang dapat másabi hinggíl sa mg̃a salitâng sinising̃itan ng̃ w, gaya sa halimbawà ng̃ huwebes, hesuwita, kuwento, kuwaderno, ay dapat gawíng huebes, hesuita, kuento, kuaderno.
VII KABANATA
Sa mg̃a pang̃ung̃usap ó salitâ
GURÒ. ¿Anó ang pang̃ung̃usap ó salitâ?
NAG-AARAL. Alín mang tunóg, magíng isá itó at magíng marami man na ibinibigkás ang isáng pagkukurò (ó idea) ay tinátawag na pang̃ung̃usap ó salitâ.
G. ¿Iláng pantíg (ó sílaba) ang kailang̃an upáng bumuô ng̃ isáng pang̃ung̃usap?
N. Mangyayaring magíng isá, dalawá ó ilán mang pantíg; hal.: ó, alíw, salapî, pagsisisi.
G. ¿Anóanóng pamagát ang ikinakapit sa mg̃a salitâ sang-ayon sa ginagawâng pagdidiín?
N. Ang mg̃a tinátawag na pabiglâ (ó aguda), pábanayad (ó grave), pabagsák (ó esdrújula) at pásagitsít (ó sobresdrújula).
G. ¿Anó ang kahulugán ng̃ salitâng tinátawag na pabiglâ (ó aguda)?
N. Tinátawag na salitâng pabiglâ, yaóng idinidiín ang pagsasalitâ sa hulíng pantíg; hal.: badyá, bagsák, bulíd, tamís, alíw, taksíl, atbp.
G. Ang salitâng pábanayad (ó grave), ¿anó ang kátuturán?
N. Tinátawag na salitâng pábanayad yaóng idinidiín ang pagbigkás sa ikalawáng hulí ng̃ pantíg; hal.: nayon, sabi, bayan, tao, sulat, basa, atbp.
G. Ang salitâng pabagsák (ó esdrújula), ¿anó namán?
N. Yaóng pang̃ung̃usap na idinidiín ang pagsasalitâ sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg; hal.: úlirán, líbing̃an, típanan, atbp.
G. ¿At ang salitâng pásagitsít (ó sobresdrújula)?
N. Yaóng pang̃ung̃usap na idinidiín ang pagbigkás sa ikaapat, ikalimá, ó ikailán mang hulí ng̃ pantíg; hal.: pátakarán, páhayagán, mánanagalóg, mánanalaysáy.
VIII KABANATA
Ukol sa diín (ó acento prosódico)
GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na diín (ó acento prosódico)?
NAG-AARAL. Ang biglâng pagbigkás ó kayâ’y ang pagdidiíng ginagawâ sa gayó’t ganitóng ting̃ig ng̃ pantíg kung binibigkás ang isáng salitâ ó pang̃ung̃usap.
G. ¿Anó namán ang tinátawag na kudlít (ó acento ortográfico)?
N. Tinátawag na kudlít ang tandâ na malimit gamitin sa pagsulat na siyáng pinakasagisag ó larawan ng̃ gayóng pagdidiíng ginagawâ.
G. ¿Anó ang kaibahán ng̃ diín sa kudlít?
N. Na, ang diín ay siyáng ginágamit sa pagbigkás, at ang kudlít ay sa pagsulat. Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng nagtatagláy ng̃ kudlít ay nagtatagláy rin namán ng̃ diín, hal.: sibád, tugtóg, tamís. Ng̃unì’t ang salitâng may tagláy na diín, kadalasá’y walâng kudlít; hal.: bahay, nayon, tao.
G. Ang pagdidiín sa mg̃a salitâ, ¿sa anó nabábahagi?
N. Gaya na ng̃ sinabi, ang mg̃a salitâ ay nabábahagi sa tinátawag na pabiglâ ó pagbigkás na mariín sa hulíng pantíg, pábanayad ó pagbigkás na mariín sa ikalawáng hulí ng̃ pantíg, pabagsák ó pagdidiín sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg, at pásagitsít ó pagdidiín sa ikaapat ó ikalimáng hulí ng̃ pantíg.
G. ¿Mayroón bagáng mg̃a tuntuning sinúsunód ukol sa mg̃a salitâng pabiglâ (ó aguda)?
N. Marami pò, at itóng mg̃a sumúsunód:
Una.--Ang mg̃a salitâng gaya ng̃ bulíd, sigíd, bayáw, sabík, baníg, apí, bibíg, sapúl, tamís, mahál, tunóg, amá, isá, gabí, iná, kapatíd, dalawá, halagá, at ibá’t ibá pang gangganitó ay binibigkás na mariín sa hulíng pantíg.
Ikalawá.--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng wagás na tagalog na ang katapusáng ting̃ig (ó vocal) ay pinang̃ung̃unahan ng̃ dalawáng pangtinig (ó consonante), ay binibigkás na mariín sa hulíng pantíg; hal.: biNLíd, biGKís, suBSób, buGTóng, yuPYóp, haGDán, siKSík, aKYát, paTLáng, tuKLóng, tuDYó, tuKSó, linGGó, baGSák, tuKTók, atbp.
Ikatló.--Ang mg̃a salitâng nátatapos sa iya, iyo, uwa, uwi, may kasunód ó walâng pangtinig (ó consonante) ay dapat bigkasíng mariín sa hulíng pantíg, hal.: tiyáp, liyó, buwán, buwíg, atbp.
Ikaapat.--Lahát ng̃ mg̃a salitâng nagtatapós sa tambál na ting̃ig (ó vocal) may kasunód ó walâng pangtinig (ó consonante) ay binibigkás din ng̃ mariín; hal.: paá, tiím, diín, doón, loób, noó, totoó, alapaáp, atbp.
Ikalimá.--Lahát ng̃ mg̃a salitâng gaya ng̃ ag-ág, ig-íg, iw-íw, is-ís, al-ál, ang-áng, at ibá pang gangganitó, ay binibigkás ding mariín ang hulíng pantíg; hal.: anag-ág, paig-íg, aliw-íw, alis-ís, buhalhál, paang-áng.
Ikaanim.--Ang mg̃a salitâng nagtatapós sa ab ay binibigkás na mariín sa hulíng pantíg, hal.: sukáb, salakáb, sabsáb, lagabláb.[10]
G. ¿Alín namán ang mg̃a panutong sinúsunód ukol sa mg̃a salitâng pábanayad (ó grave)?
N. Ang mg̃a sumúsunód:
Una.--Ang mg̃a salitâng gaya ng̃ simoy, sabi, basa, sulat, tao, sisi, nayon, bayan, sulit, bahay, kasama, karayom, at ibá pang gangganitó ay binibigkás na mariín sa ikalawáng hulí ng̃ pantíg.
Ikalawá.--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát na may dalawá ó tatlóng pantíg, at ang mg̃a salitâng itó’y nagtatagláy sa katapusán ng̃ kudlít na banayad (ó acento grave) ay binibigkás na mariín sa ikalawáng hulí ng̃ pantíg; hal.: wikà, nasà, batì, lahì, pusò, pakò, sariwà, timawà, lagarì, bighanì, pintuhò, pang̃akò, atbp.
G. ¿Alín ang mg̃a tuntunin ukol sa mg̃a salitâng pabagsák (ó esdrújula)?
N. Ang mg̃a tuntuning sumúsunód:
Una.--Ang mg̃a salitâng paris ng̃ bíhirà, dálitâ, káhimán, kápitan, at ibá pang paris nitó ay binibigkás na mariín sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg.
Ikalawá.--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát na may dalawáng pantíg gaya ng̃ anás, bulóng, libíng, atbp. na mg̃a salitâng pabiglâ ó mariín kung bigkasín sa hulíng pantíg at sa hulí’y dinagdagán ng̃ an ó han ay binibigkás na mariín sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg, hal.: ánasan, búlung̃an, líbing̃an, áliwan, búgtung̃an, sígiran, lúksuhan, atbp.
Ikatló.--Ang ilán sa mg̃a salitâng ugát na may dalawáng pantíg gaya ng̃ ibig, nais, sabi, bulíd, hiláw, mahál, atbp. na pinang̃ung̃unahan ng̃ anyô (ó partícula) ma ó na ay binibigkás ding mariín sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg, hal.: máibig, mánais, másabi, máhiláw, mámahál, mábulíd, másabi, máibig, náturan, nábulong, nábasa, nákain, atbp.
Ikaapat.--Ang karamihan ng̃ mg̃a salitâng nagpapásimulâ sa ka at nagtatapós sa an ó han gaya ng̃ katíbayan, kagáling̃an, katípunan, kabánalan, kagándahan, kamáhalan, at ibá pang gangganitó ay binibigkás ding mariín sa ikatlóng hulí ng̃ pantíg.
G. ¿Alín ang mg̃a panutong dapat sundín ukol sa mg̃a salitâng pásagitsít (ó sobresdrújula)?
N. Ang mg̃a panutong sumúsunód:
Una.--Ang mg̃a salitâng gaya ng̃ súliranín, pátakarán, mánunulát, paláisipán, palátuntunán, mánanagalóg, mámamahayág, mánanalaysáy, atbp., ay binibigkás na mariín sa ikaapat at ikalimáng hulí ng̃ pantíg.
Ikalawá.--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát na may tatlóng pantíg gaya ng̃ himagsík, sigalót, himutók, halakhák, atbp. na mariín ang pagbigkás sa katapusáng pantíg at dinaragdagán sa hulí ng̃ an ay dapat bigkasíng mariín sa ikaapat na hulí ng̃ pantíg; hal.: hímagsikan, sígalutan, hímutukan, hálakhakan, atbp.
Ikatló.--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát na may dalawáng pantíg, gaya ng̃ lagpás, alíw, bigkís, bulóng, utos, payo, atbp. na pinang̃ung̃unahan ng̃ pa at dinuduluhan ng̃ an ó han ay binibigkás na mariín sa ikaapat na hulí ng̃ pantíg; hal.: pálagpasán, páaliwán, pábigkisán, pábulung̃án, páutusan, pápayuhan, atbp.
Ikaapat.--Ang mg̃a salitâng ugát na may tatlóng pantíg, gaya ng̃ lagarì, dalirì, sariwà, atbp., na pinang̃ung̃unahan ng̃ ma ay binibigkás na mariín sa ikaapat na hulí ng̃ pantíg, hal.: malagarì, madalirì, masariwà, atbp.
Ikalimá.--Ang mg̃a salitâng may dalawáng pantíg, gaya ng̃ hulí, samâ, buti, wakás, linaw, at ibá pang pawàng gangganitó, na may ka sa una at an ó han sa hulí at sakâ inúulit ang buông pantíg ng̃ ugát, ay binibigkás ding mariín sa ikaanim na hulí ng̃ pantíg, hal.: káhulíhulihan, kásamâsamâán, kábutibutihan, káwakáswakasan, kálinawlinawan, atbp.
TALABABÂAN
[10] Ang limáng tuntuning náuuná ng̃ mg̃a salitâng pabiglâ ay sinipì ko kay G. Eusebio Daluz.
IX KABANATA
Tungkól sa paglilihim (ó sinalefa)
GURÒ. ¿Anó ang paglilihim (ó sinalefa)?
NAG-AARAL. Ang pag-áalís ng̃ isá ó iláng titik sa mg̃a pang̃ung̃usap kailan ma’t naglalakip ang mg̃a itó.
G. ¿Kailán nangyayari ang paglilihim?
N. Ang paglilihim ay nangyayari sa mg̃a salitâng nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal) at sa mg̃a pangtinig (ó consonante) n at w, kailan ma’t ang sumúsunód dito’y ang pangbigkís (ó conjunción) at at ang pang-anib (ó ligazón) ay.
G. ¿Sa iláng tuntunin (ó regla) nábubuô ang paglilihim?
N. Sa dalawá, at itóng mg̃a sumúsunód:
Una.--Pagkâ ang isáng pang̃ung̃usap ay nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal) ó kayâ’y sa pangtinig na w at ang sumúsunód dito’y ang pangbigkís at ó ng̃ pang-anib ay, ay maáarìng alisín ang a sa at ó ay, pag-áalís na kailang̃ang pagitnâan ng̃ isáng panandâ (ó apóstrofo) upáng mákilala ang paglilihim.
MG̃A HALIMBAWÀ