← Dating Pilipinas

Opening the book…

Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza and the Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This file was made using scans of public domain works from the University of Michigan Digital Libraries.)

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]

[Patalastas: Imprenta Libreria at Papeleria ni J. Martinez]

DATING PILIPINAS

SINULAT NI

SOFRONIO G. CALDERÓN

MAYNILA:

Imprenta, Librería at Papeleria

ni J. Martinez

Daan Jolo bilg. 310.--Binundok.

=1907.=

Ipinagbibili ang aklat na ito sa lahat n~g aklatan dito sa Maynilà, at sa bahay nang sumulat, daang Lamayan, Bilg. 56, Sta. Ana.-Maynilà.

=Kung pakyawan ay mura.=

Ang aklat na ito ay itinatalaga ko sa aking anák na si Sofronio G. Calderón.

=PAUNAWÁ.=

Ang aklat na ito ay pinagtiyagaan kong sinulat upáng magíng tulong ko kahi't kaunti sa m~ga di pa nakababatid n~g dating kasaysayan niring Lupang Tinubuan na n~gayo'y halos nalilibing sa limot. Marahil ay di na isinasaloob n~g iba na lin~gunin pa ang nakaraan; n~guni't kung ating didilidilihin ay lubhang mahalaga, sapagka't ang nakaraan ang siya nating pinagbabakasan n~g n~gayon sampu n~g hinaharap, siyang bumubuhay n~g m~ga bagay na nangyayari, siyang kumakandili n~g ating alaala sa ating m~ga kanunuan na ating pinagkautan~gan n~g buhay at bala na, at sa madaling sabi ay siyang pinakasalamin n~g madlá sa pamumuhay, na dahil dito ay pinagsikapan n~g halos lahat n~g lupain ang pagsiyasat at pag-aaral n~g kanikanilang kasaysayan.

Sa kasaysayang ito ay di ko muna inilakip ang sa m~ga taong gubat at ang sa kamorohan, sapagka't ang una ay di pa lubhang kilala ang wika sampú nang boong paraa't ayos n~g pamumuhay, saka kapua may kahabaang salaysayin lalong lalo na ang sa kamorohan na may kilala't sariling kasaysayang nain~gatan; at dahil sa m~ga dahilan ito ay minagaling kong unahin itong pinakamahalaga sa atin upáng huag lubhang humabà at tuloy makaya n~g lahat ang halaga, sapagka't kung papagsasabaysabayin ay mamabigatin n~g karamihan ang halaga sa kamahalan n~gayon n~g pagpapalimbag.

Tuloy ipinauunawa ko na ang kasaysayang ito ay hinan~go ko sa m~ga aklat nina P. Chirino, P. Delgado, P. Colin, P. Placencia, Morga, Dr. P. de Tavera. Sa salaysay ni Pigafetta, sa m~ga paaninao ni Dr. Rizal at kaonti sa m~ga aklat nina Blair at Robertson at gayon din sa m~ga kasaysayan ni Dr. Barrows at Comisionado Dean C. Worcester. Marahil din naman ay may kaonting kulang pa ito, dahil sa di ko pagkasumpong n~g lahat ng kasaysayang kailan~gan, n~gunit inaasahan kong ito ang m~ga pinakamahalaga.

Ipinauunawa ko rin na ang aking pagkasulat nito ay utang na loob ko sa aking amaing si G. Felipe G. Calderón, kay Mr. J.H. Lamb, at kay Dr. James B. Rodgers na nan~gagkatiwala sa akin n~g kanilang m~ga aklat na nabangit ko sa unahan nito na n~gayo'y mahirap man~gasumpun~gan.

Sofronio G. Calderón

=Unang Pangkat.=

=M~ga Unang Tao Rito.=

Isa sa m~ga lahing hangang n~gayo'y nan~gananahan dito sa m~ga kapuluang Pilipinas ay ang m~ga "Itim" ó "Ita", at sapagka't ayon sa kapaniwalaan ay siyang unang nan~gamayan dito ay di n~ga maliligtaan sa kasaysayan n~g Pilipinas.

Ang dami, di umano, n~g m~ga ito ay may tatlong yuta at pawang nan~gananahan sa m~ga gubat at bundukin n~g Bataan at Sambales at sa Silan~ganang bundukin n~g dakong hilaga n~g Luzon na mula sa Cabo Engaño hangang Baler. May man~gilan~gilan ding nan~gananahan sa m~ga bundukin n~g m~ga lalawigang Rizal, Bulakan, Kapangpan~gan Tarlak, Pangasinan, Ilokos Norte, Nueva Ecija at Abra. Gayon din sa m~ga pangpan~gin n~g Rio Grande sa Kagayan at sa ilog Ablug sa lalawigan n~g Kagayan at sa m~ga dating comandancia n~g Infanta at Príncipe na n~gayo'y sakop n~g lalawigan n~g Tayabas. Bukod dito'y mayroon din sa m~ga pulo n~g Mindoro, Panay, Negros, Mindanaw at iba pa.

Palibhasa,t, nakapangkat-pankat ang lahing ito ay nagkaroon n~g iba't ibang pan~galan, na yaong m~ga nasa Sambales lalong lalo na yaong m~ga haluang dugo ay pinan~ganlang Abunlon; yaong nan~ga sa Morriones sa Tarlak ay Aburlin; ang ibang nan~ga sa Kagayan, Isabela, Kapangpan~gan Bulakan at Bataan ay Ita; ang ibang nan~ga sa Isabela ay Agtas; ang ibang nan~ga sa Nueva Ecija, Kapangpan~gan, Sambales, Ilocos Sur, at Tarlac lalong lalo na yaong m~ga haluang dugo ay Balugas; ang ibang nan~ga sa Sambales ay Bukiles ang nan~ga sa baybayin n~g dagat Pacífico sa Hilaga n~g Luzón ay Dumagat; at ang nan~ga sa Baggaw sa Kagayan ay Parames.

Dahil sa pagkakapangkat-pangkat na ito at pagkakaroon n~g iba't ibang pan~galan ay pinagkaroonan n~g iba't ibang isipan n~g m~ga mananasaysay, na anáng iba'y supling sa iba't ibang lahi n~g m~ga itim at anáng iba'y iisang lahi na napapangkat lamang n~g angkan-angkan na sa akala ko'y itong hulé ang mapaniniwalaan.

Ang m~ga taong ito ay nan~gananahan pulupulutong na limalimangpu humigit kumulang at ang hitsura't anyo ay pandak na lilimang paa ang taas, maiitim baga man ang iba'i may kakuyumangihan, malalaki ang mata n~g karamihan, kulot ang buhok at balbasin ang m~ga lalaki, sarat ang ilong, makakapal ang labi at mabibilog ang ulo. Hindi nan~gaggugupit n~g buhok, malibang totoong mahaba na at kung gayon ay pinuputol n~g itak ó sundang kung sakaling walang gunting. Ang ibang itim sa Bataan ay nagsisipagkoronita sa ulo na parang pare upang makasin~gaw ang ipit, di umano, at yaong nan~ga sa Sambales ay nagsisipag-ahit kung minsan n~g kalahati n~g ulo, na mula sa tuktok hangang sa batok.

Ang damit, n~g m~ga lalaki ay bahag lamang sa m~ga balakang at ang sa m~ga babae ay tapi na mula sa baywang hangang sa tuhod. Ang dinadamit ay kayo kung mayroon, datapua't karaniwa'y balat n~g kahoy.

Ang karaniwang kagayakan ay sarisari. Gumagamit n~g kawayang suklay na may gayak na pakpak na sarisaring kulay. Nagsisigamit din n~g hikaw, bitones, pirapirasong salamin at iba pa na gaya rin nito. Ang m~ga pinuno ay nagpapatulis n~g n~gipin sa harap, at halos lahat ay nan~gagsisipagkudlit sa katawan n~g sarisaring hitsura na ang m~ga lalaki ay sa dibdib, sa likod at sa m~ga bisig at ang m~ga babae naman ay gayon, din bukod pa sa m~ga harapan n~g hita at sa iba pang dako n~g katawan.

Ang lahing ito ay may ugaling magpabagobago n~g tahanan, at sa ganito'y hindi nan~gagbabahay at ang karaniwang pahin~gahan ay ang paanan n~g m~ga punong kahoy na kanilang pinagtitindigan n~g balangkas na miski paano saka binububun~gan n~g kugon ó n~g miski anong dahon.

Sa pagkabuhay ay nan~gabubuhay sa isda, lamang lupa, sa bigás (na nan~gaghahasik n~g palay sa dakong katahanan), at lalong lalo na sa m~ga hayop na kanilang nahuhuli ó napapana, at di umano'y m~ga totoong maibiguin sa lamán n~g ungoy, saka nan~gagsisikain n~g ahas, palaka bubulí at iba pang hayop na di natin kinakain.

Ang sakbat na kagamitan ay sibat na kawayan ó san~ga kaya n~g kahoy at, pana't busog na may lason na kanilang ginagamit sa ano mang lakad nila.

M~ga totoong magiliwin sa tugtugin at ang kanilang m~ga instrumento ay buho't kawayan. May sarisaring sayaw sila, na tinatawag nilang sayaw kamote, sayaw pagong, sayaw pan~gin~gibig sayaw pakikihamok at iba pa na may kahabaang saysayin dito kung papaano.

Sa pag-aasawa ay inuugali ang pagkakasunduan n~g m~ga magulang saka ang bigay-kaya na gaya rin n~g sa ibang lahing gubat. Tungkol sa pagdidiwan nito ay sarisari ayon sa iba't ibang angkan n~g m~ga ito, n~guni sa m~ga itim na nan~ga sa bundok n~g Mariveles ay ganito di umano. Nagsisipagtago sa gubat ang babae at ang m~ga abay niya, saka hinahanap n~g lalaki at n~g m~ga abay naman nito hangan sa masumpun~gan. Pagkasumpong ay ipinagsasama ang babae sa dakong pagtatapusan n~g pagdidiwan na tumutugtog ang lalaki n~g gansa (na isang instrumento nila) sa harap n~g babae at habang lumalakad ay sumasayaw: samantalang ang babae naman ay may takip na panyo sa ulo at mukha at lumalakad na payuko. Pagtigil n~g tugtog n~g lalaki ay hinahandugan n~g m~ga kaibigan ang babae n~g kanikanyang kaya. Pagkatapos ay lumalapit ang babae sa isang wari entablado na handa na kapagkaraka na may dalawang dipa ang taas at nililigid n~g kanyang m~ga kamag-anak, saka tinatakbo at inaagaw n~g lalaki na hinahawakan sa bisig at isinasampa sa itaas noong wari entablado na doon sila nauupong dalawa na magkaabrasete. Kung magkagayon ay sumasampa ang ilan sa kanilang m~ga kaibigan at kamag-anakan na nagsisipag-alay n~g kanikanyang kaya, saka nan~gananaog na kasama ang bagong mag-asawa. At pagkapañaog ay sinasalubong n~g isang matandang lalaki at isang matandang babae na nan~gagsisilagay marahil na pinaka-inaama at ini-ina at siyang nan~gagpapa-ala-ala n~g kanilang payo sa bagong mag-asawang yaon.

Bagay sa kanilang kapanampalatayahan, di umano, ay wari ang pagsamba sa m~ga bagay n~g katalagahan at sa m~ga kalulua, at ang m~ga matanda at ang m~ga namatay sa kanila ay lubhang ipinakagagalang.

Ang lahing ito ayon sa kapaniwalaan ay nan~ganahan ditong malaong panahon hangang sa dinatnan n~g lahing malayo.

Tungkol sa pagkaparito n~g m~ga ito kung paano at saan nan~gangaling ay di masabi at hangan n~gayon ay di pinagkakaisahan n~g m~ga mananalaysay ang bagay na ito; sapagka't anáng iba ay galing sa Aprika na nakapagpalipat-lipat sa pulo't pulo hangang Nueva Ginea at mula sa Nueva Ginea hangang dito, at anáng m~ga bagong mananalaysay ay hindi, kun di ang m~ga ito'y kaibang lahi n~g m~ga itim sa Aprika at talagang tagarito sa Kasilan~ganan.

=Ikalawang Pangkat.=

=Lahing Pilipino=

Maliban sa m~ga itim ay pawang lahing malayo na ang nan~gananahan dito na may halo marahil na kaonting indonesiano, at n~gayo'y siyang m~ga kinikilalang pilipino.

Ang lahing ito ay nababahagi n~gayon n~g tatlong malaking bahagi: Una'y ang m~ga taong nagsipangubat na dî napasaklaw sa kapangyarihan n~g m~ga taga ibang lupain, ikalawa'y ang m~ga moro ó kumikilala kay Mahoma at ikatlo'y ang m~ga nagsipagkristiano.

Ang tatlong bahaging ito ay paraparang napapangkat, n~gayon n~g lipilipi at angkan-angkan.

Ang unang bahagi, na sa m~ga taong gubat, ay lubhang marami ang pagkakapangkatpangkat; n~guni't ang m~ga lubhang kilala ay ang Igorot Ilongot, Tingian, Gaddan at Kalinga dito sa Luzon, ang Tiruray sa Mindanaw at ang Tagbanua sa Palawan. Ang pagkakapangkatpangkat n~g m~ga taong ito ay pinagkaroonan n~g iba't ibang isipan n~g m~ga tanyag na mananalaysay. Anáng Profesor Blumentrit, sukat dito sa kalusonan at kabisayaan ay napapangkat ang m~ga ito n~g tatlong pu't anim na lipi baga man kalakip na pati nang sa m~ga itim, at anáng m~ga mananalaysay na Jesuita ay dadalawang pu't anim, at sa bilang na ito ay may binangit pa ang m~ga Jesuita na dî ibinibilang n~g Profesor Blumentrit sa kanyang salaysay na gaya rin n~g Profesor Blumentrit tungkol sa binangit n~g m~ga Jesuita: ano pa't kung idadagdag ang m~ga binangit n~g m~ga Jesuita na dì naibilang n~g Profesor Blumentrit sa kanyang pagkatala ay hihigit pa n~ga sa tatlong pu't anim na bilang niya. N~guni't hindi lamang ito, kundi dumating dito ang m~ga Americano at pinagsikapan ding masiyasat itong iba't ibang liping nagsisipangubat, na sa m~ga sumiyasat at nakakita n~g m~ga ito ay di maliligtaan sina Dr. Barrows, Comicionado Dean C. Worcester, John C. Foreman. Dr. M.L. Miller, Capitan Charles E. Nathorst, at Capitan Samuel D. Crawford at di rin nan~gagkaiisa n~g isipan bagay sa m~ga liping ito; sapagca't ani Dr. Barrows ay tatatlo ang liping malayo rito at kung bagá man anya't marami ay angkan lamang n~g tatlong ito ang iba, samantala namang ang sa Comicionado Dean C. Worcester ay anim ang liping malayong narito at anáng iba ay isang gayon: ano pa at iba't iba. Kung alin ang matuid sa m~ga salaysay noong m~ga una sampu nitong m~ga huli ay di natin masabi at hangang n~gayon ay di pa lubos na kilala ang boong paraa't ayos n~g pamumuhay niyang m~ga taong gubat na nabangit baga man masasapantahang di lubhang magkakaiiba,

Ang ikalawang bahagi na sa m~ga moro, ay gaya rin n~g sa m~ga taong gubat na napapangkat n~g lipilipi at angkan-angkan, na ang iba'y sa Dabaw, ang iba,y sa Samboanga, ang iba'y sa Kottabato at ang iba'y sa iba't ibang dako n~g Hulo't Mindanaw na pawang may kanikanyang n~galan. Ang m~ga ito ang may lalong malinaw na kasaysayan kay sa lahat n~g lipi rito sa Pilipinas, dahil marahil sa maagang pagkasulong nila sa katalinuang pakamahometano at pagkapagin~gat nila n~g kanilang m~ga alamat at m~ga alaala n~g dating pamumuhay n~g kanilang m~ga kanunuan. Tungkol dito ay di dapat ligtaang basahin ang salaysay ni Naajeb M. Saleeby sa kanyang aklat na kasusulat pa lamang.

Ang ikatlong bahagi, na sa m~ga nagsipagkristiano at siyang m~ga liping tinutukoy ko sa kasaysayang ito ay masasabi nating may walong lipi ang dami na dili iba't itong m~ga sumusunod: Ang Bisaya, na m~ga taong nan~gananahan sa maraming m~ga pulong napapagitan sa Luzón at Mindanaw, sa makatuid baga'y sa m~ga puló n~g Panay, Negros, Leyte, Samar at ibapa; ang Tagalog, na nan~gananahan sa kalagitnaan n~g Luzon at nakakalat sa m~ga lalawigan n~g, Maynila, Batan~gan, Kabite, Laguna, Bulakan, Bataan, Nueva, Ecija at iba pa; ang Kapangpan~gan at Pang-asinan na nan~gakakalat sa m~ga kapatagan n~g kahilagaan nitong Luzon; ang Ilokano, na nan~gananahan sa may dakong kalagitnaan n~g hilaga't kanluran nitong Luzon; ang Kagayan na nan~gagsasalita n~g wikang Ibanag at nan~gananahan din sa Kagayan; ang Bikol na nan~gananahan sa Kamarines at sa m~ga lalawigan n~g Sorsogon; at ang Sambal na nan~gananahan din sa Sambales. Dito'y di na kabilang ang ibang lipi na nan~ga sa Nueva Viskaya, sa pulo n~g Batanes at Kalamianes dahil sa kaliliitan.

=Ikatlong Pangkat.=

=Ang Pagkaparito at Pinangalin~gan n~g Lahing Pilipino.=

N~gayon n~gang batid na natin ang dinamidami nitong m~ga lipilipi at angkan-angkang nan~gananahan dito na pawang kinikilalang pilipino ay di natin maliligtaan na di maitanong kahi't sa sarili kung ang m~ga ito ay katutubo rito ó kung bakit nan~gaparito at saan nan~gangaling.

Sa pagkakatutubo rito, n~g m~ga taong ito anang man~ga mananalaysay ay hindi at bago pa n~ga mandin ang m~ga ito ay ang m~ga ita muna ang nan~ganahan dito; sapagka't di n~ga naman mangyayari na ang isang lahing mahina na gaya n~g m~ga ita ay mahuli pa isang lahing may kaonting kalakasan. N~guni't mula pa sa kaunaunahang dako hangang sa panahong ito ay hindi kaila na ang tao ay laging nagsikap n~g ikabubuti't ikagiginhawa n~g sarili na kung di n~ga masiyahan sa kanyang bayan ay dumadayo sa iba; kaya't hangang n~gayon ay may m~ga taong gubat na nagpapabuhatbuhat n~g tahanan dahil sa paghanap n~g lalo't lalong mabuting lupa ó n~g dakong lalong maginhawa sa kanyang pamumuhay, at maging sa m~ga matalinong bayan man ay gayon din, at nariyan ang Australia na pinamamayanan n~g m~ga Ingles:--at--ang m~ga lupang Pilipinas, na halos lahat n~g pulo't lalawigan ay sagana sa m~ga halama't pananim, sa m~ga kayamanan at sa balang ikabubuhay,--ay di mapagtatakhang pamayanan n~g lahing ito.

Kung paano ang pagkapasimula n~g pagkakaparito n~g m~ga ito ay di natin masabi at walang aklat na makapagpatotoo, datapua't ang m~ga pagkakaganiganito n~g m~ga tao noong unang dako, na nan~gapapalipat sa ibang m~ga pulo't lupain ay di kaila sa m~ga kasaysayan, at nariyan ang m~ga aklat nina Ratztel, Ellis, John Dunmore at ibp. Noon n~gang una na di pa lubhang kilala ang katalinuan sa pagdadagat at wala pang kagamitan, kungdi ang m~ga sasakyang may layag lamang ay madalas nangyayari sa m~ga magdadagat na kung totoong nan~gapapalaot sa dagat at inaabot n~g pagbabago n~g han~gin ay nan~gapapaligaw hangang sa másadsad sa ibang lupain, at man~gyare, kung hindi na man~gakabalik at kabubuhayan naman ang lupaing kinasadsaran ay natutuluyan n~g doon mamayan, ó kung sakali mang nan~gakabalik at sa ganang kanila ay lalong maginhawa ang lupaing kinasadsaran nila kay sa lupa nilang tinubuan ay nangyayari ring pinagbabalikan at nag-aanyaya pa n~g kanilang m~ga kamag-anak at kakilala. Ito n~ga ang matuid na masasapantaha natin, na dahil n~g ikinaparito n~g m~ga taong ito, at dito'y di natin maliligtaang di bangitin na pinakahalimbawa ang sali't saling sabi n~g m~ga Tagakaola at m~ga Bagobo sa Mindanaw na anila'y sadsad lamang sila sa lupaing kinatatahanan nila n~gayon at ang kanilang pinangalin~gan ay isang lupaing malayong malayo. Hindi ko na bangitin ang lubhang maraming m~ga pangyayaring ganito sa iba't ibang lupain at totoong makapal.

Bagay naman sa pinangalin~gan ay masasabi nating wala n~g iba kundi ang m~ga kalapit lupain At dito naman sa m~ga kalapit lupain ay wala n~g ibang masasapantaha, liban sa m~ga lupang nasa dakong timog, na dili iba't ang kamalayahan dahil sa siyang m~ga tan~ging bayan na kahuad sa kulay tikas at anyo, kakapatid sa wika at kaayon sa halos lahat n~g ayos at paraan n~g pamumuhay n~g m~ga Tagarito. Saká anang m~ga mananalaysay, siyang sali't saling sabi n~g m~ga tao rito, na ang m~ga nabangit na lupain ang pinangalin~gan n~g m~ga kanunuan nila. At bagay rito ay may salaysay si P. Colin na anya'y: "May isang taga Kapangpan~gang nakarating sa Sumatra (isang lupaing malaya) at sumapit sa isang dako na kanyang kinaringan n~g kanyang sariling wika at siya'y nakisagót na parang siya'y ipinan~ganak sa dakong yaon, anopa't tuloy sinabi sa kanya n~g isang matanda na kayo'y m~ga inapó n~g m~ga nagsialis dito noong unang dako na nan~gamayan sa ibang lupain at di na namin nan~gabalitaan."

N~guni't may isang bagay na hindi lahat n~g tao rito ay Kapangpan~gan ó Tagalog mang ó Bisaya kaya, kung di may taong gubat at may taong bayan, may Igorot at may Tingian, may Tagalog at may Bisaya at marami pa.

Ang kadahilanan nito, sa akalà ko, ay sanghî sa pagkakapangkat pangkat n~g m~ga bayan malayo (ó lahing pinangalin~gan n~g m~ga Tagarito) saká ang pagkakapangkat pangkat pa uli rito.

Kung ating n~gang lilin~gunin at lilinin~gin ang kamalayahan na pinangalin~gan n~g m~ga Tagarito ay matatanto nating unauna na doo'y may kinikilalang tatlong uri n~g tao na dili iba't ang orang benúa (ó taong gubat), ang orang-laut (ó taong dagat) at, ang orang-malayo (ó taong bayan). Sa una na orang-benúa ay masasapantaha na siyang pinangalin~gan n~g ating m~ga taong gubat, na dili iba't siyang sapantaha n~g m~ga kilalang mananalaysay n~gayon. At ito'y mapaniniwalaan dahil sa pagkakaparis n~g pamumuhay n~g m~ga ito sa pamumuhay n~g m~ga iyon: maliban marahil ang iba nitó, na gaya n~g Tingian at iba na sa akala ko'y kauri rin n~g m~ga lahi ritong kristiano n~gayon na nagsipangubat lamang dahil sa pag-ibig marahil na manatili sa kanilang kalayaan at sa ganito'y náurong sa pagsulong sa katalinuan.

Tungkol sa orang-laut at orang malayo ay di mapagtatakhang siyang pinagmulan n~g m~ga taong bayan dito ayon sa kanilang ayos at paraan nag pamumuhay.

Bukod dito ay dapat ding tantoin na ang kamalayahan (maging taong-gubat ó taong dagat ó taong bayan) baga man suplíng sa isang lahi (sa lahing Mongol anáng m~ga mananalaysay) ay pangkat pangkat din, dahil sa nan~gamamayan hiwahiwalay sa pulo't pulo, na ang iba'y sa Sumatra, ang iba'y sa Java, ang iba'y sa Celebes at ang iba'y sa iba't ibang pulo, bukod pa sa nan~gatira sa kapatagan n~g Malaka, at man~gyare--sa pagkakapulopulo at pagkakahiwahiwalay na ito ay nagkaiba't iba n~g kaonti at sapagka't ang m~ga Tagarito, sa akala ko, ay hindi galing sa iisang angkan n~g m~ga yaon, kundi sa iba't iba ay kaya naman iba't iba rin ang m~ga lipi rito, bukod pa n~ga sa dito ma'y nagkapulopulo at nagkahiwahiwalay pa uli.

Tungkol sa m~ga moro sa Magindanaw ay masasapantahang siyang m~ga huling naparito at ayon sa kapaniwalaan n~gayon ay siyang m~ga kasabay ó kasunod n~g m~ga taga malayang nagsipamayan sa Borneo noong dakong 1400.

=Ikaapat na Pangkat.=

=Dating Pamamayan ng m~ga Tagarito=

Bago nagpuno ang m~ga taga Europa dito sa Kapuluang Pilipinas, ay may sarili n~g paraa't ayos n~g pamumuno ang m~ga tagarito. Ang paraa't, ayos n~g pamunuang ito ay di kagaya n~g sa iba't ibang lupaín na may isang dakilang puno ó pan~gulo na kinikilala, kundi sa bawa't pulo at lalawigan ay maraming pan~gulong may kanikanyang kampon at sakop na nayon-nayon at lipi-lipi,[1] anopa,t, kaparis din n~g pamunuan sa España bago nan~gagpaka-pan~ginoón doon ang m~ga Romano't Godo.

Ang bawa't pangkat n~g pamahalaan ay tinatawag na isang balan~gay. Itong salitang balan~gay ay pan~galan n~g sasakyang-dagat na di umano'y siyang nilulanan n~g m~ga taga Malaya sa pagparito, (basahin ang pangkat na sasakyan) at ang dami n~g m~ga taong sakáy sa bawa't isa nito ay tinatawag na isang balan~gay na dili iba't siyang nátatag na isang pamahalaan. At sapagka't may malalaki't maliliit na sasakyán ay nagkamalalaki't maliliit namang balan~gay ó pámahalaan.

Ang bilang n~g m~ga tao sa pinakamunting balan~gay ay limang pú at sa pinakamalakí ay umáabot n~g hangang pitong libo.

Ang ibang m~ga balan~gay ay magkakasundô at hangang sa naglalakip-lakip[2] upang kung salakayin n~g m~ga kaaway ay huwag masupil; n~guni't ang pagkakálakip na ito ay sanhi n~g pagkakasunduan at hindi n~g pagsasáilaliman n~g isa't isá; ano pa nga't bawa't balan~gay ay may kanya ring sariling pan~gulo, liban na sa panahon n~g digma na pumipili n~g isang man~gun~gulo sa kanilang lahat.

Ang pan~galan n~g pan~gulo sa bawa't balan~gay ay Dato na ang kahulugán sa wikang Malaya (ani Dr. de Tavera) ay nuno ó lelong: ano pa n~ga't dito'y ating mapagninilay na ang ayos sa pámunuan ay isang pamumuno sa gulan~gan. Itong tawag na Dato na pan~gulo ay nanánatili pa hanga n~gayón sa Holó't Mindanaw. Ang pan~gulo namang nagpupuno sa samasamang balan~gay ay nagkakapamagát n~g Laca ó Raja ó Ladya ó Radja. Mula n~g lumitaw ang mahomatismo (pananalig kay Mahoma) ay ginamit ang salitang sultán. Di umano'y may nagpápamagat, din n~g Hari na siyang dating kapan~galanán sa m~ga dakilang pinuno sa India, at ang kahulugan sa sanskrito, ani Dr. de Tavera ay Brahma, araw, Vishnu.

Ang pamumuno n~g pan~gulo ay paratihan ó sa tanáng buhay. At ang pagkapuno't pagkamáginoo ay minamana n~g anák at kung sakaling wala, ay m~ga kapatid ó kamag-anak na malapit ang humahalili. Ang tungkulin n~g m~ga ito ay pagpunuan ang kaníkanyang sakop at kampon at tuloy lin~gapin ang kanikanilang usapín at kailan~gan; at ang sabihin namán n~g m~ga ito ay iginagalang at ginaganap n~g kanikanyang sakop na m~ga tao. Iginagalang din ang m~ga kamag-anak at inapó n~g m~ga puno, na kung baga ma't hindi nakapagmana n~g pagkapuno ay pawang ibinibilang namáng taong-mahal at ipinakatatan~gi sa m~ga taong karaniwan. Kung paano, ang kamahala't pagkamaginoo n~g m~ga lalaki ay gayon din ang sa m~ga babae[3].

Sa m~ga balan~gay na nabangit ay may tatlong kalagayan n~g tao: Una'y ang m~ga mahal na pinamamagatang Maginoo ó Ginoo; ikalawa'y ang m~ga nakaririwasa na pinamamagatang timawa (ó payapa) at anáng ibang m~ga mananalaysay ay maharlika; ang pamagat, na sa wikang Malayo ani Dr. Tavera ay laya ang ibig sabihin; at ikatlo'y ang m~ga alipin na sa Bisaya'y oripun.

Ani Colín, ang m~ga lalaking may mahal na uri ó m~ga maginoo ay nagpapamagat din n~g Gat ó Lakan, gaya n~g Gat Maitan, Lakán Dula at iba pa at sa m~ga babae nama'y Dayang gaya n~g Dayang Mati. Anang iba'y naging karaniwang kasambitan din ang ating kinauugalian pa hangang n~gayong mama (amain) ó mang sa m~ga lalaki at ang ale sa m~ga babae.

Sumusunod sa uring ito ang m~ga timawa (payapa) ó maharlika (laya). Ang m~ga ito'y tan~gi sa ibang uri na walang sinasailaliman libang sa kanilang Dato ó pan~gulo. Hindi rin nan~gagsisibayad n~g buwis at ang paglilingkod na ginagawa n~g m~ga ito ay ang tungkol lamang sa naayon sa ugali. Itong ugaling tungkulin nila, ay ang sumunod sa utos n~g pan~gulo ó puno sa panahon n~g digma: kaya't ang m~ga ito ang siyang nan~gagsisibuo n~g kawal ó hukbo n~g balan~gay at sa ganito'y may pamagat na kabalan~gay. Bukod dito ay tungkulin din nila ang tumulong sa pan~gulo ó Dato kung panahong nagbubukid ó umaani at gayon din sa pagtatayo n~g bahay, sa pag-gaod sa sasakyan niya kung sakaling naglalayag n~guni't sila'y pawang pakain sa loob n~g boong panahong kanilang ipinaglilingkod.

Ang sumusunod sa nan~gabangit ay ang m~ga alipin, na sa Bisaya'y oripun, at m~ga ito'y may dalawang kalagayan n~g pagka-alipin: ang aliping namamahay at ang aliping sagigilir; itong hulí sa Bisaya'y tinatawag na n~galon.

Ang aliping namamahay ay pinagbibigyan pakundan~gan. Ito'y may bahay na sarili; kaya't may pamagat na namamahay, at sa panahong kinakailan~gan lamang naglilinkod sa pan~ginoon, at ang paglilingkod na ito ay sa pagbubukid at pag-aani n~g kanyang pan~ginoon, at gayon din sa sasakyan kung sakaling naglalayag. Kailan~gan din tumulong sa pagpapagawa n~g bahay n~g pan~ginoon at tuloy naglilingkod sa bahay nito kung sakaling may panauhin, ano pa n~ga tungkulin n~g aliping namamahay ang maglingkod sa pan~ginoon kailan ma't kakailan~ganin; n~guni't natatan~gi sa ibang alipin dahil sa may sariling bahay at saka hindi naipagbibili. Wala ring namang bayad sa paglilingkod, at sa madaling sabi ay siyang m~ga tinatawag nating kasamá, bataan, kampon, tao at ipa pa. Nakalilipat din naman ang aliping ito sa kalagayang timawa ó maharlika kung nagbabayad sa kanyang pan~ginoón n~g katampatang halaga na ayon sa kaugalian.

Ang aliping sagigilir ó n~galon ay siyang tunay na alipin na ang iba'y sa tanang búhay at sa akala ko'y tinatawag na sagigilir, dahil sa di nakalálayo sa gilid ó paligid n~g pan~ginoon. Ang pagkakapagíng alipin n~g m~ga ito ay dahil sa pagkukulang sa Dato ó pang-ulo, dahil sa pagdidigmaan, pakikipag-usapín at gayon din sa pag-uutan~gan at ibp.

Ang m~ga alipin ito ay siyang pinakamalaking yaman n~g m~ga tagarito, dahil sa nákakatulong silang malabis sa kanilang n~ga bukira't hanap-buhay, at ang m~ga ito'y naípagbibili't náípagpapalit n~g isang pan~ginoon sa ibang pan~ginoon, n~g isang bayan sa ibang bayan, n~g isang lalawigan sa ibang lalawigan at n~g isang pulo sa ibang pulo. Gayon man, ani Argerzola (sabi ni Rizal), ay hindi lubhang hamak ang pamumuhay n~g m~ga alipin itó, dahil sa kasalong kumakain sa dulang n~g kanilang pan~ginoon at hangang sa naáaring mag-asawa sa kabahay n~g pan~ginoon, maliban na sa ilang masamang pan~ginoon, na saa't saan ma'y di nawawalâ. N~guni't ayon sa salaysay n~g ibá (wika rin ni Rizal) ay lumubha ang kalagayan n~g m~ga aliping ito nang masakop n~g España ang m~ga tagarito hangang sa ang iba'y nan~gagpakamatay sa gutom at ang iba'y nan~gagpakamatay sa lason, at pinatay n~g ibang iná ang kanilang anák sa pan~gan~ganák (Basahin ang paaninaw ni Rizal sa dahong 295 n~g aklat ni Morga).

Ang m~ga anák at inapó n~g m~ga aliping itó, magíng namamahay at magíng sagigilir ay nagmamana n~g kalagayan n~g magulang, na siyang dating kaugalian sa halos lahat n~g lupaing malayo. At ang pagkaalipin nitóng m~ga aliping namamahay at sagígilir ay sari-sari, dahil sa mayroong buô ang pagkaalipin, at mayroong kákalahati at mayroon namang ikapat na bahagi lamang. Ang dahil n~g pagkakaganito ay mababasa sa pangkat n~g kaugaliang pinanununtunan sa m~ga kapaslan~gan at sigalutan.

TALABABA:

[1] Ang ganitong ayos n~g pagkakahiwáhiwalay n~g pámunuan dito ay minagaling ni Rizal. Anya'y kung napasa kapangyarihan n~g isang katao lamang ang pámunuan dito nang panahong yaon at anomang bagay ay isásanguni sa isang lugar, ay magiging mabigát sa bayán-bayán, at sa akala ko rin, dahil sa nang panahong yaon ay wala pa ritong telefono, telegrama at m~ga kasangkapang nagagamit sa madaling pagsasangúnian.

[2] Ani Rizal, ay di malayong ang ganitóng paglalakip ay malaon nang inúugali rito, at sa katunayan (anya'y) ang pan~gulo rito sa Maynilá ay pinakapan~gulong General, n~g sultán sa Bórneo; ayon sa patotoó n~g m~ga kasulatan noong siglo XII.

[3] Ani Rizal ay naáayon sa kautusán n~g katalagahan (naturaleza) ang pag-uugaling itó n~g m~ga dating pilipino, na higit kay sa m~ga tagá Europa na nawawalán n~g kamahalan ang babae kung nagsasawa sa mababa kay sa kanya, dahil sa isinasalalaki lamang ang kamahala't kababaan. Anya'y isang katunayan ito na ang m~ga babae n~ga rito'y pinagbibigyan na mula pa noong una.

=Ikalimang Pangkat.=

Dating Pananamit At kalinisan sa katawán n~g m~ga tagarito

Noóng unang dako ang m~ga tagarito ay magkakaibá n~g pananamit; na anó pa,t, sa Luzón ay iba sa Bisaya'y iba at gayon din sa ibang dako.

Ang pagkakáganitó marahil ay sapagka't galing sa iba't ibang dako n~g Kamalayahan ang m~ga tagarito at inugali n~g isa't isa ang pananamit sa kanikanyang bayang pinangalin~gan.

Dito sa Luzón (sa ilang lalawigan marahil) ay nananamit ang m~ga lalaki n~g kanyan (barong azul) na lagpas n~g kaunti sa baywang, isinasara sa harap, walang liig at maikli ang man~gás; n~guni't may nagsusuot din n~g kulay itim. Ang sa m~ga maginoo'y kulay-pulá at sa India pa nangagaling. Bukod dito'y nagbibigkis sa baywang n~g isang kumot na tulóy ibinabahag; ang hita'y litaw, ang m~ga paa'y walang suót at ang ulo'y walang takip maliban sa isang makitid na panyo na mahigpit na itinali sa noó at kimót-kimutan na pinan~gan~ganlang potong ó putong. Ang putong na ito ay iniiíkid n~g sari-saring paraan, na kung minsa'y wari turbante n~g m~ga moro na walang bunete, at kung minsan nama'y nakapulupot na parang kubóng n~g sumbrero. Ang nagmámatapáng ay naglálawit, n~g m~ga dulo n~g panyóng ito na pinaáabót hangang sa batok. Sa kulay nang panyo ay napagkikilala ang pagkapuno, dahil sa siyang ginagamit na pinakasagisag sampu sa kanilang pakay at kataasan. Ang síno mang hindi pa nakakapatay (marahil sa digmá), n~g isa man lamang, ay hindi tinútulutang gumamit ng putong na pulá at kaya't makagamit n~g ikid ó pugong na parang corona, ay kung nakápatáy na n~g pitó. Ang pinakadagdág na kasuutan ay isang mainam na nakukulayang kumot na isinasalabat sa balikat, saka ibinubuhol sa may ibaba n~g bisig, at ang káyong dinaramit ay sutla't babarahin. Bagay naman sa paghihiyas ay nan~gagkúkuwintás n~g tinanikalang ginto na iniíkid sa liig at ang pagkakákawing-kawíng ay gaya n~g sa m~ga taga Europa; nan~gagsusuót sa bisig at galang-galan~gan n~g kalombigas (pulsera) na gintong tinipi at may anyóng sarisari, na tuloy sinásaglitan n~g mahahalagáng batóng kawigin at ágata, puti't bugháw ang m~ga pinakamahál. Anáng iba'y gumagamit din n~g garing; at sa m~ga daliri naman ay nan~gagsisingsing n~g ginto't iba't ibang bató.

Sa ibang dako naman (sa katagalugan marahil) ay may kaibhán dahil sa nan~gagbabaro at nan~gagsásalawal ang m~ga lalaqui, at kung may pinaróroonan ó napasa sa simbahan (sa pagparoon lamang sa m~ga simbahan, sa akalá ko) ay nananamit n~g isang kasuutang kulay itim na kung tawagi'y sarampuli. Ang kasuotang ito'y mahaba na abot hangang paa at ang mangas ay makipot na di umano'y isang kasuotang lubhang mahinhín. Kung isuot ito n~g m~ga tagalog ay buo at parang sapot, na ano pa't sa ulo pinapagdáraan at isang kasuotang karaniwan. Ang m~ga babayi naman ay nan~gagbabaro at nan~gagsasaya, at kung may pinaroroonan (sa pagpa sa simbahan din marahil) ay gumagamit n~g isang pantakip sa ulo na abot hangang paa at kulay itim ang pinakapipiling kulay, saká nan~gagtatapis; n~guni't ito'y higit na inuugali sa katagaluga't kapanayan kay sa kabisayaan. Bukod dito'y nan~gaglalagay sila sa buhok n~g pusod na tangalin (postizo) na ang ipinang-aalalay n~g lalaki't babae ay ipit na ginto ó pilak na may batóng perlas ó diamante sa pinakaulo, at kung hindi naglulugay n~g buhók ang lalaki ay nagtatalí sa noo n~g panyô na kung tawagi'i purug at ang m~ga babae namán kung napasasadaan ay nan~gagsasalakot na ang tawag sa Bisaya'y sarok.

Sa lalawigan nang Sambales, ang lalaki'y nag-aahit n~g buhók sa harapán n~g ulo at sa kaymotan ay nag-iiwan n~g isang kumpól na lugáy na, aní Rizal, ang ayos na ito n~g pagbubuhok sa Sambales at ang pananamit n~g m~ga taga Bisaya, ay nahahawig sa kimono Hapón, At ang m~ga babae sa lalawigang itó ay nan~gagbabaro n~g sarisaring kulay at nan~gagsasaya rin, at ang m~ga may mahal na uri ay nan~gagkukundiman, nan~gagsusutla at nan~gananamit n~g iba't ibang káyo na pinamumutihan n~g ginto at n~g sari-saring gayák na palawít; nan~gagkukuwintas n~g tinanikalang ginto, nan~gagkakalombigas (pulsera) sa galang-galan~gan, nan~gaghihikaw sa tain~ga n~g makapal na tiping ginto at nan~gagsisingsíng sa daliri n~g ginto rin at sari-saring hiyás.

Sa Katanduanes naman ay nan~gagsasaya ang m~ga babae n~g ayon sa ugali n~g m~ga taga Bisaya, nan~gagsisigamit n~g mahahabang balabal, ang buhók ay pusód, na mainam ang pagkasuklay at sa noo'y may sintás na nababatikan n~g ginto, na ang luwang ay dalawang dali. Sa bawa't tain~ga ay nakahikaw n~g tatlo, isa sa kaugalian n~gayon at ang dalawa'y sa may dakong itaás na magkasunód: at marahil ay ang m~ga ito rin an sinasabi ni P. Chirino na nagsisipaggayák n~g kakatwa sa bukong-bukong.

Ang m~ga taga Bisaya naman ay nan~gaggugupit n~g buhók na kagaya n~g sa dating kaugalian sa España at nan~gagpipinta sa katawan n~g sari-saring anyô at kulay. Ang pagkakapinta'y mainam at bagay-bagay at anang iba'y hindi lamang katawan ang pinipintahan kundi pati n~g baba't kilay. Ang paraan n~g pagpipinta, bago gawín ay ginuguhitan muna n~g mán~gan~gatha n~g akalang maáayo't mábabagay sa katawan at gayon din sa pagkalalaki ó pagkababae, saka pinipintahan. Ang panguhit na ginagamit ay kawayang parang pincel na matulis ang dulo at siyang ipinangduduro hangang sa lumabas ang dugo, saca binubúdburan n~g pulbós, ó kung dili ay usok n~g sahing na maitim, na kailan ma'y di na man~gun~gupas. Hindi pinipintahang bigla ang boong katawan, kundi bahabahagi, at datiha'y hindi muna nagpipinta hangang hindi makapapamalas n~g anomang katapan~gan. Ang m~ga bata'y hindi nagpipinta n~g n~guni't ang m~ga babae ay nagpipinta n~g Isang boong kamay at n~g bahagi n~g ikalawá. Dito sa pulo n~g Luzón ay nan~gagpipintá rin ang m~ga taga Iloko, hindi lamang lubós na kagaya n~g sa m~ga taga Bisaya. Sa paghihiyás ay nan~gaghihikaw n~g malalaking hikaw na ginto at garing at nan~gagkákalombigas; sa ulo'y nan~gakakulubóng n~g ukáng Wari turbante na may batíkbatík na ginto; nan~gagbabaro n~g makipot at mahaba na walang liig, at sa harapán isinásará. Hindi nan~gagsasalawal, kundi bahág lamang na ibinibigkis sa harapán. Ang m~ga babae'y may magagandang anyo't kilos, malilinis at, makikisig na lumakad; ang buhok ay maitím mahaba at nakapusód, nan~gakatapi sa baywang n~g kayóng sari-saring kulay at nan~gakabaro n~g walang liig; hindi nagsisipagsuot sa paa, n~guni't, nan~gaghiyas na nagsisipagkuwintás n~g ginto, nagsisipaghikaw at nagsisipagkalombigas.

Bagay namán sa kalinisan, lalaki't babae at lalo na ang m~ga máginoo, ay totoong malinis sa kanikanyang katawa't bihis; nan~gagpapaitim na mainam n~g buhók na nagsisipaggugo at nagsisipaglan~gis n~g lín~gáng may paban~gó. Sa n~gipin ay lubhang main~gat na lahat, na mula sa pagkabata ay pinapantay n~g m~ga bato't iba pang m~ga kasangkapang pangkiskis at pinaiitim hangang sa tumanda, na tuloy sinasaglitan n~g ginto at nililinis pagkakain at pagkakagising.

Bata't matanda ay naliligo sa m~ga ilog at sa malaking bangbang na, ani Morga'y, kahi't sa anong oras, dahil sa di umano'y inaaring pinakamainam na kagamutan: kaya't pagkapan~ganak (anyá) n~g babaye ay agád naliligo at pati bata'y pinaliliguan din[4]. At ani Colin, ang karaniwang oras na ipinaliligo ay sa pagkalubóg n~g araw, pagkatapos n~g gawain at sa pangagaling sa pakikipaglibing na naging kaugalian din sa Hapón. Saka kung naliligo ay mahinhing naúupo na inilúlubóg ang katawán hangang sa lalamunan na nan~gagpapakain~gat upang huwag maging tudláng n~g matá nino man.

TALABABA:

[4] Ani Rizal, ay di lubhang mapaniniwalaan ito dahil sa pinakaiin~gatan n~g m~ga tagarito ang maligo sa tanghali, pagkakain, pagká bagong kalilitaw ang sipon at pagka pinápanahón ang babaye at iba pa.

=Ikaanim na Pangkat.=

=Kaugaliang pinanununtunan sa m~ga Kapaslan~gan at Sigalutan.=

Palibhasa't ang m~ga Tagarito ay nan~gamamayan at may m~ga tatag na pamahalaan ó balan~gay ay may m~ga hukom at tuntunin ring pinanununtunan.

Itong m~ga tuntuning pinanununtunan sa kanikanilang balan~gay ay pawang alinsunod sa kanilang m~ga alamat at kaugaliang kinagisnan[5] na di binabago at mahigpit nilang tinatalima. Datapuat di umano'y may m~ga pan~gulo rin namang nagsisipaglagda n~g m~ga kautusan, saka itinatanyag sa bayánbayán nang isang mánanawag na pinan~gan~ganlang Biuhahasan. Sa pagtatanyag, di umano, ay nagdádála n~g isang batin~gaw na tinutugtog upáng mapag-alaman n~g m~ga tao.

Ang m~ga hukom sa m~ga usapin nila ay ang kanikanilang pinakapangulo[6] na kung minsa'y nagiisa at kung minsa'y kasama n~g isang datò sa balan~gay ó n~g isang maginoo sa nayon: at ang pan~gulo sa balan~gay ay may sakdal na kapangyarihan na maaaring gumawa n~g ano man na walang sanguni sa iba, at sa ganito, ang magkulang sa kanya ay naparurusahan niya n~g kamatayan ó pagkaalipin ó pagbabayad kaya n~g isang gayon.

N~gunit sa pagmumungkahian at m~ga sigalot n~g magkakasambahay ó n~g magkakamag-anak ay karaniwang ang matatanda na lamang sa nayon ang pinagsasakdalan na siyang humuhusay at ganap na dinidinig naman n~g m~ga may sigalot:

Sa pagpaparusa naman ay walang bilibid ó bilanguang gaya n~gayon, kundi ang kaugaliang parusa na inilalapat sa nagkasala ay ang pagbayarin n~g isang gayon ó alipinin kaya at kung totoong mabigat ay nilalapatan n~g parusang kamatayan. At upáng matanto n~g manbabasa ang m~ga tuntunin sampú n~g m~ga salang kinalalapatan n~g m~ga parusang nábangit ay aking ihahanay dito sa sumusunod.

* * * * *

=Sigalot n~g m~ga pan~gulo sa dalawang balan~gay=

Kung ang m~ga pan~gulo sa dalawang balan~gay (na magkasundô marahil) ay magkaroon n~g ano mang sigalot ó usap ay pumipilì sa ibang balan~gay n~g isang pan~gulo na mailalagay nilang pinakahukom upang humatol sa kanila n~g walang hilig; sa pagka't bagá man sa iba't ibang balan~gay ay may iba't ibang tuntuning pinanununtunan ay halos magkakaayon di umano.[7]

* * * * *

=Pag-aasawa sa taga ibang balan~gay.=

Kung ang isang maharlika ó timawà, (maging lalaki maging babae) sa isang balan~gay ay mag-asawa sa taga ibang balan~gay ay hindi makalilipat sa balan~gay na tinatahanan n~g magiging asawa, kungdi magbayad n~g isang gayong halaga na paratang n~g m~ga datò. Ang paratang na ito ay mulâ sa isang putol na gintô hangang tatlo ayon sa paratang n~g balangay, bukod pa ang isang paanyaya sa boong balan~gay na aalisan. Kung ito'y hindi ganapin ay maaaring digmain n~g balan~gay na aalisan ang balan~gay na lilipatan, malibang pagkasunduan na ang m~ga anák n~g mag-asawa ay hahatiin sa kanikanyang balan~gay.

* * * * *

=Katungkulan n~g m~ga kampon sa isang balangay.=

Ang sino mang kampon ay hindi bumabayad n~g buis, n~guni't napatutulong n~g pangulo sa kanyang m~ga kailan~gan, gaya sa pagtatayô n~g kanyang bahay ó sa kanyang pag-aani, sa pagbungkal n~g kanyang bukid, sa paggaod sa kanyang sasakyan at ibp.; n~guni't ayon sa salaysay ni Morga ay ibinubuis n~g m~ga kampon ang kanilang naaani sa kanikanilang bukiran.

* * * * *

=Sa Nakamatay.=

Ang nakamatay n~g isang alipin at humin~gi n~g tawad ay hindi pinarurusahan n~g lubhang mabigat, kungdi pinapagbabayad lamang sa pan~ginoon n~g halagá n~g aliping napatay saka hinahatulan n~g hukom n~g iba pang parusang kanyang magalin~gin.

Ang nakamatay n~g isang timaua ay kamatayan rin ang parusang inilalapat; n~guni't kung humin~gi n~g tawad ay inuuurong ang gayong parusa at ipinaaalipin na lamang sa namatayan. Di umano'y kung sakaling salapi ang nagíng kahatulan ay kalahatí lamang ang ibinibigay sa namatayan at ang kahahatí ay sa hukom.

Datapua't ang nakamatay n~g pangulo ó maginoo ay pinapatay n~g walang patawad at ang m~ga kaalam ay pawang inaalipin sampû n~g kanilang m~ga anák.

* * * * *

=Paghuli sa magnanakaw.=

Upang hulihin ang m~ga magnanakaw ay tinatawag ang m~ga pinaghihinalaan, at m~ga pinapagsasalansan sa isang dako n~g m~ga balaba n~g dahon ó n~g m~ga damit kaya, at kung pagkatapos nito'y masumpun~gan sa salansan ang nawala ay hindi na pinag-uusig pa, n~guni't kung hindi ay sinusubok sa alin man dito sa tatlong paraang sumusunod:

Una.--Dinádalá ang m~ga pinaghihinalaan sa isang dakong malalim n~g ilog na bawa't isa'y may daláng pangpigil sa ilalim n~g tubig upáng kung pasisirin ay makapan~guyapit na matagal sa ilalim, at sa ganito, ang unang lumitaw ay siyang inaaring may sala. Di umano'y namamatay ang iba sa pagkalunod dahil sa takot na siyang ariing may sala.

Ikalawa.--Naglalagay n~g isang bató sa isang sisidlang may kumukulong tubig, saka ipinadadampot sa m~ga pinagbibintan~gan at ang umayaw ay siyang nagbabayad n~g nánakaw.

Ikatlo.--Pinapagtatan~gan ang m~ga pinagbibintan~gan n~g tig-isang kandila na magkakasinlaki at magkakasinbigat, at kung sino ang unang mamatayan ay siyang inaaring nagnakaw.

Ang parusa namang inilapat sa nagnakaw kung ang ninakaw ay hindi lumalagpas sa halagang apat na putol na ginto ay ipinasasauli n~g hukom ang ninakaw saka pinapagdadagdag pa n~g isang gayon. Kung higit sa apat na putol na ginto ay inaalipin. At kung isang kate na ginto ay nilalapatan n~g parusang kamatayan ó kung dili ay inaapilin ang nagnakaw sampû n~g asawa't m~ga anák.

Di umano'y kaugalian din naman (marahil sa ibang balan~gay) na sa unang pagnanakaw ay pinapagbabayad lamang n~g isang gayon, sa ikalawa'y inaalipin at sa ikatlo ay pinapatay ó kung sakaling pinatatawad dito sa huling parusa ay kung inaalipin sampu n~g asawa't m~ga anák.--N~guni't ang anák na hiwalay sa bahay niya ay hindi idinadamay sa pagkaalipin, dahil sa isipang hindi kaalam sa pagnanakaw.

* * * * *

=Pagsásamá=

Kung ang dalawang tao ay magsamá n~g tiggayong halagá upang man~galakal, at ang may hawak n~g salapi ay maharang n~g kampon sa di kasundong balan~gay ay katungkulan n~g kasamá na tubusin ang naharang; n~guni't kung ang pagkapahamak ay kasalanan n~g may hawak n~g salapi ay kailan~gang isauli ang salaping naparual ó kung dili ay n~g m~ga anák. At kung walang maibayad ay masasanlang pinakaalipin siya at ang kalahati n~g kanyang m~ga anák sa kasamáng dapat pagbayaran.

* * * * *

=Pagmamanahan=

Sa pagmamanahan ay hindi kailan~gan ang testamento, kungdi sukat na ang pahimakas na bilin n~g namatay sa kanino mang kaharap; sapagka't ang bilin n~g magulang ay lubhang mahalagá, dahil sa kapanampalatayan na ang m~ga kalulua n~g kanilang nan~gasirang magulang at kanunuan ay kasama rin nila sa sandaigdigang ito at siyang sa kanila'y nagpapaginhawa ó nagbibigay-hirap ayon sa asal nila (basahin ang paglilibing) ano pa't sa ganito'y hindi inuugali ang pagdadaya at pagsisinun~galing.

Sa katungkulan.--Ang m~ga anak lamang sa tunay na asawa ang nakapagmamana n~g katungkulan n~g magulang, ano pa't kung pan~gulo sa isang balan~gay ang magulang at mamatay ay ang pan~ganay sa m~ga lalaki ang humahalili at kung patay na ay ang pan~galawa; n~guni't kung walang anak na lalaki ay m~ga anák na babae ang humahalili n~g papagayon din, at kung sakaling walang anak ay kamag-anak na pinakamalapit ang nagmamana, na ani Rizal, ay siya ring kautusang pínanununtunan n~g m~ga anak-hari sa España, Inglaterra, Austria at ibp.

Sa m~ga tunay na anák n~g mag-asawa.--Ang tunay na magkakapatid sa ama't ina ay nagsisipagmana n~g magkakasindami, malibang ibigin n~g amá ó n~g iná na palaman~gan ang sino man sa kanilang anak n~g dalawa ó tatlong putol na ginto ó n~g isang hiyás kaya. Kung ang isa sa m~ga anák ay nag-asawa sa isang uring maginoo at dahil sa kalakhan n~g kanyang bigay-kayang ipinagkaloob ay makahigit sa mana kay sa kanyang m~ga kapatid ay hindi ibinibilang ang kahigitang yaon; datapua't ang ano mang bagay na ibinigay n~g magulang sa kanino mang anák maging sa pan~gan~gailan~gan ó hindi ay ibinibilang sa pagmamanahan.

Kung sa pagmamanahang ito ay may isang aliping nauukol sa lahat n~g magmamana ay binabahagi ang panahon n~g paglilingkod nito sa bawa't isa sa kanyang papan~ginoonin ayon sa pagkakasunduan nila. Kung sakaling hindi lubos ang pagkaalipin, kungdi kakalahati ó ikapat na bahagi lamang ang pagkaalipin ay pagbabayaran n~g m~ga pan~ginoon ang paglilingkod niya sa panahon n~g kanyang kalayaan ayon sa kanyang pagkaalipin.

M~ga anák sa una't hulíng asawa.--Kung ang sino man ay nakapag-asawang makalawa at kapua pinagkaroonan n~g anák ay nagmamana ang isa't isa sa m~ga anák n~g ayon sa mana't bigay, kaya na ukol sa kanikanyang ina, at ang pag-aari n~g amá ay binabahagi sa lahat na walang palamang sa kanino man.

M~ga anák sa tunay na asawa at m~ga anák sa alipin.--Kung ang sino mang lalaki ay nagkaanak sa tunay na asawa at nagkáanák pa sa alipin ay hindi nagmamana ang sa alipin; n~guni't ang aliping naanakan ay pinapagiging-laya at ang anák ay pinagkakalooban n~g miski ano, na kung maginoo halimbawa ang lalaki, ay isang putol na ginto ó isang alipin kaya.

M~ga anák sa asawa at m~ga anák sa babaeng kinakasama lamang.--Kung ang isang lalaki ay nagkaanak sa asawa at gayon din sa isang babaeng laya na hindi asawa ay hindi nagmamana n~g magkakasingdami ang m~ga anák, kungdi ang dalawang ikatlong bahagi n~g tinatangkilik n~g amá ay iniuukol sa m~ga anák sa tunay na asawa at ang ikatlong bahagi ay sa m~ga anák sa babaeng laya na kinakasama lamang at di tunay na asawa.

M~ga anák sa di asawa.--Kung ang sino man ay walang anák sa tunay na asawa, kungdi sa babaeng kinasama lamang ay nan~gagmamanang lahat ang m~ga anák at kung sakaling may anák sa alipin ay pinagkakalooban lamang n~g ayon sa nabangit sa dakong una.

Kung walang kaanák-anák liban sa alipin lamang ay walang nagmamana, kungdi ang magulang ó nuno ó m~ga kapatid ó m~ga kamag-anak na malapit n~g namatay at ang ipinagkakaloob lamang sa m~ga anák sa alipin ay ang gaya rin n~g nabangit na.

M~ga anák sa kaa~gulo.--Ang m~ga anák sa kaaagulo ay hindi nagmamana n~g ano man at inaari pang masamang uri.[8]

Sa Inaring Anak.--ang pag-aring anak sa iba ay totoong kaugalian at sa pagmamanahan ay nagmamana n~g ibayong halaga ayon sa ibinigay n~g ama n~g siya'y ipaaring anak: ano pa't kung ipinagbigay siya n~g isang putol na ginto ay magmamana siya n~g dalawang putol sa pagmamanahan.

* * * * *

=Sa Bigay-kaya.=

Ang nanunungkol n~g bigay-kaya ay ang lalaki at ito'y ayon sa kasunduan. Ang kasunduang ito ay karaniwang pinagkakayarian n~g m~ga magulang mula sa pagkabata n~g m~ga anak, at kung gayon ay katungkulan n~g m~ga magulang n~g lalaki na ipagpauna ang kalahati n~g bigay-kaya na pinan~gan~ganlang kalabgayan at pagdating n~g araw n~g pag-aasawa ay saka ibinibigay ang kalahating kabuoan na pinan~gan~ganlan bigay ó dahik.

Ang bigay-kaya ay napapa sa magulang n~g babae. At ang babae sa kanilang pagkadalaga ay walang ano mang tinatangkilik at kahi ma't kumikita ay sa magulang din.

Ang kasunduang mulâ sa pagkabata at may páunang kalabgayan ay kinasasanghian kung minsan n~g ligalig, dahil sa kung lumaki ang m~ga bata at umayaw ang sino man sa kanila ay inuusap ang magulang n~g umayaw dahil sa sapantahang siyang nag-udyok. N~guni't kung patay na ang magulang n~g sino man ay nagsasaulian na lamang at hindî na nag-uusapin.

Kung ang sino man ay magsabi na ibig niyang mag-asawa, kay gayon at sa kaarawan ay umayaw ay pinarurusahan n~g mahigpit at kung mayaman ay sinasamsaman n~g malaking bahagi n~g yaman.

* * * * *

=Sa Pakikiagulo=

Ang salang makiagulo, palibhasa't sigalot sa sambahayan ay karaniwang sa matatanda isinasakdal, at ang karaniwang parusa na inihahatol naman n~g matandá ay pagbayarin ang nakiagulong lalaki n~g isang gayong halaga[9] sa asawa n~g babae na pinakapantakip sa nasirang dangal. At sa minsang nabayaran ay nagsasama uling tiwasay ang mag-asawa at nililimot na ang bagay na yaon, at pati anak ay hindi inaaring anak sa pakikiagulò.

Datapua't ang asawa n~g isang pan~gulo na magkasala n~g pakikiagulo ay nilalapatan n~g parusang kamatayan, at ang lalaking umagulo ay pinapatay kung mahuli ó kung nakataanan ay pinapagbayad n~g isang gayong halaga.

* * * * *

=Sa Paghihiwalay n~g mag-asawa.=

Sa m~ga ganitong sigalot ay matatanda ang humahatol na kasama n~g m~ga kamag-anakan[10] n~g magasawang naghihiwalay.

Kung ang mag-asawa ay naghihiwalay ay hinahati ang kanilang kinita sa kanilang pagsasama, n~guni't ang dating pag-aari bago nagsama ay hindi hinahati, kungdi dinadala n~g isa't isa ang kanyang dati.

Kung ang babae ang humihiwalay sa asawa upang mag-asawa sa iba ay kailan~gang isauli ang bigay-kaya at dagdagan n~g isang gayon, na ang magsasauli nang nabangit na bigay-kaya ay ang magiging bagong asawa. N~guni't kung humihiwalay lamang at hindi upang mag-asawa sa iba ay ang bigay-kaya lamang ang isinasauli.

Kung ang lalaki ang humiwalay, maging sa pag-aasawa sa iba ó hindi man at hindi kalooban n~g babae ay walang matuid ang lalaki na bumawi n~g bigay-kayang ibinigay niya ayon sa salaysay ni P. Colin; n~guni't ani P. Placencia ay isinasauli ang kalahati n~g bigay-kaya.

Kung ang mag-asawang naghihiwalay ay may anak ay napapa sa anák ang bigay-kaya at ang nag-iin~gat nito ay ang m~ga nuno kung buhay pa ó kung dili ay isang taong mapagkakatiwalaan. N~guni't ani P. Aduarte ayon sa salaysay ni Rizal ay hindi na naghihiwalay ang magasawa kung may anak dahil sa paglingap sa anák.

* * * * *

=Iba't ibang kapaslan~gan.=

Ang sumira n~g puri n~g isang anák na dalaga ó asawa n~g isang maginoo ay nilalapatan n~g parusang kamatayan.

Ang mahuling mangaway ó mangkulang ay kamatayan din ang parusan inilalapat. N~guni't kung humin~gi n~g tawad ay pagkaalipin na lamang at kung may salapi ay maaaring magbayad n~g isang gayon at huag maalipin, at kung gayon ay ibinibigay ang kalahati n~g salapi sa ginawan n~g masama at kalahati ay sa m~ga hukom.

Ang panunun~gayaw ay inaaring malaking sala lalonglalo na kung sa mayaman, sa matanda ó sa babae, at pinarurusahan n~g isang gayong halaga ó kung dili ay pagkaalipin. At kung ang tinun~gayaw ay pan~gulo ó maginoo ay kamatayan ang parusang inilalapat, malibang patawarin na kung gayon ay pagkaalipin na lamang.

Ang tumin~gin n~g walang galang sa pan~gulo at ibp. na gaya nito ay nilalapatan n~g parusang pagkaalipin sa tanang buhay, n~guni't di umano'y bihirang mangyari ito, dahil sa pinakakain~gatang malabis n~g m~ga kampon.

Kung sa gabi ay pumasok ang sino man sa bahay n~g isang pan~gulo ó maginoo n~g walang kapahintulutan ay nilalapatan n~g parusang kamatayan, at karaniwa'y pinahihirapan muna, dahil sa baka sakaling ginagamit na tik-tik n~g ibang pan~gulo; at kung sakaling matunayan na sugong tik-tik ay nilalapatan n~g parusang pagkaalipin at sa nagsugo ay kamatayan, malibang magbayad n~g isang gayong timbang na ginto.

Ang di lubhang malaking pagkakaalitan ó pagmumungkahian sa isang nayon ay matatanda na lamang ang pinagsasakdalan n~g nagkaalit at siyang humahatol ayon sa patotoo n~g m~ga saksi at alinsunod sa minanang kaugalian sa kanilang m~ga kanunuan[11], ang hatol naman n~g matatandang ito ay lubhang pinakagagalang at ginaganap nila.

* * * * *

=Pag-uutan~gan.=

Ang karaniwang palakad sa pag-uutan~gan ay patubuan, kung ang may utang ay may tinatankilik na sasanlain ay inilalagak na sanla sa pinagkakautan~gan ang kaláhati sampu n~g pakinabang noon hangang hindi nakababayad n~g utang. Kung walang ano mang tinatangkilik at sa katampatang panahon ay di makabayad ay nagiging alipin, at karaniwa'y sa tanang buhay dahil sa lakad n~g tubo.

* * * * *

=Pagbabayad n~g Paratang.=

Ang karaniwang kahatulan sa m~ga usapin ay pagbayarin. Ang pagbabayad ay ganito; na ang kalahati n~g bukid at n~g tanang tinatangkilik ay napapa sa pan~ginoon, na tuloy paglilingkuran niya samantalang siya at ang kanyang m~ga anak ay pakain at padamit. Kung sakaling hindi makabayad sa kaukulang panahon ay nan~gagiging alipin; at di umano'y kung sakaling makabayad man ang amá ay sinisin~gil n~g pan~ginoon pati n~g ipinakain at ipinadamit sa m~ga anák at kung walang maibayad ay nagiging alipin ang m~ga anák.

Kung ang nagkausaping nahatulang magbayad ay walang ibayad at ipagbayad n~g isang kaibigan ay sa kaibigan nagbayad maglilingkod, datapua't hindi parang aliping sagigilir, kungdi parang aliping namamahay. N~guni't kung hindi maglingkod n~g ganito ay ipalalagay sa kanyang patubuan.

* * * * *

=Pagcaalipin.=

Ang sino mang mabihag sa balan~gay na kaalit ay inaalipin.

Ang may utang na walang ikabayad ay inaalipin at di umano'y sa m~ga ganitong bagay ay anák ang karaniwang napapasanla na tumutubos sa magulang.

Inaalipin din ang lumabag sa isang pan~gulo ó maginoo na gaya halimbawa n~g magdaan sa silong ó bukiran nila, ó makasira n~g ano mang pag-aari nila, ó makatapon kaya n~g ano mang dumi kung nagdaraan sila ó magkasala n~g ano man sa m~ga kabahay n~g pan~gulo, at iba pa.

Ang m~ga anak n~g talagang alipin na ay alipin din.

Ang m~ga anák n~g amáng laya at n~g inang alipin ay nagiging alipin ang ikalawa, ikapat, ikaanim at ibp, at kung may labis na isa ay magiging gaya n~g sa bugtong na anák.

* * * * *

=M~ga di lubos na alipin.=

Ang bugtong na anák n~g isang magulang na alipin at isa'y laya ay kalahatí lamang ang pagkaalipin. Ang ganitong alipin ay naglilingkod n~g salisihang buan sa makatuid baga'y isang buang ipinaglilingkod ang bahagi niyang laya.[12]

* * * * *

=Katungkulang n~g alipin.=

Ang aliping namamahay ay nakapagbabahay n~g sarili, n~guni't kailan~gang maglingkod sa kanyang pan~ginoon sa panahon n~g paghahasik at pag-aani sa bukiran, gumaod sa sasakyan kung may paroroonan, tumulong sa pagtatayo n~g bahay at maglingkod sa bahay niya kung may panauhin.

Ang aliping sagigilir ay hindi nakabubukod n~g bahay at may katungkulang gumawa n~g ano mang ipagawa sa kanya n~g pan~ginoon sa tanáng buhay niya.

Ang kakalahati ang pagkaalipin ay naglilingkod n~g salisihang buan. At sa buang ikinalalaya ay maaaring ipaghanap niya n~g sa ganang kanyang sarili ó kung sa pan~ginoon din niya ay may matuid na maipakabig sa kanyang utang ang dapat niyang kitain sa panahon n~g kanyang kalayaan na ipinaglilingkod niya. At ang halaga ay isinasan-ayon naman sa kanyang pagkaalipin kung namamahay ó kung sagigilir.

Ang tatlong ikapat na bahagi ang pagkaalipin ay tatlong araw na naglilingkod sa pan~ginoon at isa'y sa kanyang sarili. Ang asawa nito ay naglilingkod din sa kanyang pan~ginoon n~g kapara niya.

Ang ikapat na bahagi lamang ang pagkaalipin ay naglilingkod na isang araw sa pan~ginoon at tatlo'y sa kanyang sarili.

Ang aliping námana n~g dalawa, tatlo ó limang magkakapatid ay naglilingkod sa bawa't isa sa kanila n~g ayon sa panahong pinagkasunduan nila na ipaglilingkod sa bawa't isa sa kanila. At kung sakaling hindi lubos ang pagkaalipin ay pagbabayaran ang kanyang paglilingkod sa panahon n~g kanyang kalayaan at ayon sa kanyang pagkaalipin.

* * * * *

=Pagcalayà n~g alipin.=

Ang m~ga aliping sagigilir at namamahay ay nakaaalis sa pagkaalipin kung nagbabayad sa pan~ginoon n~g katampatang halagá.

Ang halaga n~g salaping dapat ibayad n~g aliping sagigilir upáng maging aliping namamahay ay limang putol na ginto ó higit pa, at saká ang kalahati n~g boong hiyas at pag-aaring tinatangkilik, at kung sakaling may lumabis na isang paliyok ó ban~ga sa paghahati ay binabasag, at kung kumot ay hinahapak sa gitna; at upáng lubos na mawala sa pagkaalipin at maging timawà ó maharlika ay kailan~gang magbayad n~g sampung putol na ginto ó higit pa.

Ang paraan n~g pagbabayad ay nag-aanyaya n~g m~ga tao ang alipin at sa harap n~g pan~ginoon at n~g m~ga kaibigan ay ginagawa ang pagbabayaran at iba pang kailan~gan.

Di umano'y karaniwan ding ugali n~g m~ga Tagalog na sa oras n~g kamatayan ay pinapagiging laya n~g pan~ginoon ang m~ga anák n~g m~ga alipin na ipinan~ganak sa kanyang bahay.

At gayon din na kung ang sino mang laya ay magkaanak sa kanyang aliping babae ay pinapagiging laya ang anák sampu n~g alipin, na dili iba't siyang inugali ni Abraham kay Agar at kay Ismael.

TALABABA:

[5] Aní Rizal ay siyang lalong mabuti, dahil sa siyang nakapagpapayapa sa m~ga tao, sapagkat, anya'y may higit na tibay ang ugali kay sa isang kautusang nasusulat ó nalilimbag, lubha pa't itong kautusang nasusulat ay naipananaksil n~g m~ga may kapangyarihan. Ang katibayan, anya n~g isang kautusan ay wala sa pagkakalimbag sa isang dahon n~g papel, kung di na sa pagkalimbag sa ulo n~g magsisiganap, malaman mula sa pagkabata, maayon sa kaugalian at lalong lalo n~g kailan~gan na mátatag n~g walang pagkabago. Ang Tagarito n~gá, anyá, mula sa pagkabata ay nakatátanto n~g kanilang m~ga alamat namumuhay at lumalaki sa pan~ganorin n~g kanilang m~ga kaugalian, at hindi gaya n~gayon na nagtatatag n~g m~ga kautusan sa bayan na di man lamang nalalaman ó nauunawa at madalas pang binabago.

[6] N~guni't ani P. Placenecia ayon sa salaysay ni Dr. T. H. Pardo de Tavera, kung may hilig sa kanino man ang pan~gulo ay pumipili sa ibang balan~gay n~g mailalagay na pinakahukom at di umano'y may m~ga kilalang gayong tao na humahatol n~g walan hilig.

[7] Aní Rizal, ay napagkikilalang may malabis na kasunduan kay sa digmaan dito sa pagkakaayon-ayon n~g m~ga tuntunin, at di malayó anyang, may isang malaking pagkakasunduan dito; sapagka't ang pinakapan~gulo rito sa Maynilà, ay pinakapunong-hukbo n~g Sultan sa Borneo. Anya'y may m~ga kasulatan noong siglo XII na nagpapatotoo nito.

[8] Ang ganitong asal sa sarisaring anak, ani Rizal, na ang m~ga anak sa tunay na asawa ay nagsisipagmana n~g magkakasindami; ang m~ga anak sa babaeng kinasama ay nagmamana n~g isang gayon; ang m~ga anak sa alipin ay hindi pinamamanahan n~g ano man, n~guni't pinapagiging laya sampu n~g kanilang Ina; at ang anak sa kaagulo ay inaaring masamang uri ay nagpapakilala n~g taos na katalinuan at bait n~g m~ga dating Tagarito.

[9] Ang dating ugaling ito n~g m~ga Tagarito, ani Rizal, ay inuugali n~gayon n~g maraming lupain sa Europa, at anya'y wari lalong mabuti't matuid kay sa awáyin ang umagulo na ang kadalasang nangyayari ay siya pang nalalagay sa katua.

[10] Ani Rizal ay makapupong magaling kay sa kautusan n~gayon n~g m~ga Frances at m~ga Ingles, sapagka't anya'y wala nang iba pang magaling na humatol sa m~ga sigalot n~g sambahayan na gaya n~g matatanda't m~ga kamag-anakan nila na lubos nakatatalos n~g kanilang pamumuhay.